NAGBABALA ang awtoridad sa publiko laban sa umano’y bagong modus ng sindikato tungkol sa pagnanakaw ng credit card information nang hindi gumagamit ng skimming device.
Ibinulgar ng National Privacy Commission (NPC), na kinakasabwat umano ng mga sindikato ang mga kahera sa ilang pamilihan para makuha ang credit card details ng isang mamimili.
Ang mga kinukuhang detalye ay ang card number, pangalan, expiry date, ang CVV number o iyong tatlong numero na nakalagay sa likod ng card – na pawang kinakailangan sa pagkasa ng mga online shopping transaction.
“Makuhanan lang ng front and back ng credit card nag-e-employ sila ng mga kakutsaba. Nabibili ‘yan sa black market,” lahad ni Raymund Liboro, pinuno ng NPC.
Inihayag ito ng NPC matapos ibunyag ni Dennis Jose Borbon, ang suspek sa pangingikil at pagkukunwaring kongresista para makakuha ng pera, na sangkot din ang kanyang grupo sa credit card fraud.
Ayon kay Borbon, nakakukuha sila ng credit card information nang hindi na kinakailangan ng skimming device.
Ibinulgar din ni Borbon na konektado sila sa ilang kahera sa mall, restaurant at gasolinahan.
Ang ginagawa umano ng kahera ay kinukuhanan ng litrato ang mga credit card ng kanilang mga kostumer at ipinapasa sa mga sindikato. Binabayaran nila ang mga ito, saad ni Borbon.
“Ise-send nila sa amin. ‘Pag na-validate po namin na gumagana ang info at perfect po, binabayaran namin, P1,500 kada isa,” ani Borbon.
Payo ni Liboro, hindi dapat malaman ng kung sino-sino ang CVV ng isang credit card user, at dapat takpan ito para hindi makopya ang detalye.
Nagmensahe rin ang Philippine National Police Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG) na dapat bantayan ang kahera kapag sina-swipe na ang credit card.
“Huwag mawala sa paningin ninyo ang credit at debit card ninyo kapag nagta-transact,” payo ni Police Lt. Col. Mary Ivy Salazar, hepe ng PNP ACG Cyber Financial Crime Investigation Unit.
Nagmungkahi rin ang NPC na dapat paigtingin ng mga bangko ang seguridad nila sa pagtanggap ng credit card transaction.
Ayon sa tala ng PNP ACG, nakatanggap na sila ng 20 reklamo na nagamit ng iba ang kanilang credit card at aabot sa P3 milyon ang nawala rito.
Comments are closed.