(Ni ANA ROSARIO HERNANDEZ)
Pinag-iingat ng Department of Health (DOH) ang publiko laban sa sakit na sore eyes na mabilis kumalat sa panahon ng tag-init.
Kinumpirma kahapon ni Health Spokesperson at Undersecretary Eric Domingo na nakapagtala na ang DOH ng pagdami ng mga kaso ng naturang sakit sa Metro Manila at Region 3, partikular na sa Pampanga.
“Dumarami na po ang cases natin. May mga ospital tayo na nagre-report na may mga epidemic na po at may mga communities na po na may mga kaso ng sore eyes ngayon,” ayon kay Domingo.
Sinabi ng health official na all-year-round naman ang sore eyes ngunit mas madali pa rin itong makahawa kung panahon ng tag-init, kung kailan mas mabilis na dumami ang virus nito.
“’Pag summer po talaga, uso ang sore eyes, kaya dapat na maging maingat,” aniya pa. “Expected naman na po talaga, kapag ganitong panahon, ay panahon ng sore eyes.”
“Mayroon po sa Metro Manila, at mayroon na rin pong nag-report sa Region 3, sa Pampanga,” aniya.
Samantala, pinayuhan din ni Domingo ang mga taong may sore eyes na huwag na munang pumasok sa eskuwela at trabaho upang hindi makahawa.
Dapat rin aniyang umiwas na munang mag-swimming ang mga ito.
Ipinaliwanag ni Domingo na mas mabilis kumalat ang naturang sakit kung ang isang taong dinapuan nito ay magsu-swimming dahil maglalangoy rin aniya ang virus at mahahawa ang lahat ng taong lumalangoy sa paligid niya.
“Siyempre, sa init po ng panahon, mahilig po talagang mag-swimming ang mga bata. Kapag nagpunta po sa tubig ang isang may sore eyes ay siyempre magsu-swimming din ang mga virus du’n sa tubig at lahat ng tatamaan noon ay maaaring mahawa,” ayon kay Domingo.
Dahil viral infection lamang aniya ay kusa namang gumagaling ang sore eyes sa loob lamang ng lima hanggang pitong araw.
Gayunman, mas mainam pa rin aniya kung ikokonsulta ito sa doktor lalo na kung may nararamdaman nang komplikasyon, gaya nang panlalabo ng mata, upang mabigyan sila ng antibiotic.
“Actually po, kung viral lang siya at wala namang complication ay gagaling siya ng kusa within 5-7 days. Kapag po lumalala siya, may panlalabo na ng mata, ‘yung muta po ay sumusobrang dami, ‘yung mata po ay mapulang-mapula, then baka mayroon na pong bacterial component, kailangan na pong magpatak ng antibiotic eye drops, ngunit ang dapat na mag-prescribe nito ay ophthalmologist,” pahayag pa ni Domingo.
Nagbabala rin naman ang health official na kung mauwi sa komplikasyon at bacterial infection at mapabayaan ay maaaring mauwi ang sore eyes sa pagkabulag.
Kaugnay nito, pinaiiwas din ni Domingo ang publiko sa mga maling paniniwala sa paggamot ng sore eyes.
Matatandaang sa Filipinas, ilan sa nakaugaliang paraan nang paggamot ng sore eyes ay paglalagay ng ihi sa mata, pagpapatak ng gatas ng ina at kalamansi.
Gayunman, sinabi ni Domingo na sa halip na makatulong ay maaari pa itong magdulot ng higit pang panganib sa kanilang mata.
Ipinaliwanag ni Domingo na ang ihi ay marumi at magpapalala lamang sa kondisyon ng mata, habang ang gatas ng ina ay hindi rin mainam dahil nagmimistula itong ‘pagkain’ ng virus.
Ang kalamansi naman ay hindi rin aniya mainam na ilagay sa namamagang mata dahil sa pagiging acidic nito, na lalo lamang magpapasakit sa mga tissue ng mata.
Wala rin aniyang katotohanan ang sabi-sabi na kapag umiyak ng umiyak ang isang pasyente na may sore eyes ay mas mabilis itong gagaling.
Binigyang-diin ni Domingo na pinakamainam pa ring paraan nang pag-iwas sa sore eyes ay kalinisan, gaya nang huwag pagkuskos ng mata, lalo na kung marumi ang kamay, at madalas na paghuhugas ng kamay.
“Kalinisan lang naman talaga (ang lunas). Tanggalin ang muta, maghilamos, maghugas ng kamay, okey na po ‘yun. Kapag na lang po may complications, magpunta sa doctor, doon na lang po magpatak ng gamot. Pero huwag na lang pong magpatak ng kung ano-ano na maaaring mag-complicate sa sitwasyon,” aniya.
Comments are closed.