PINAG-IINGAT ni Health Secretary Francisco Duque III ang publiko laban sa paggamit ng mga umano’y anti-dengue herbal at food supplements, tulad ng tawa-tawa capsules at powder at iba pang produkto, na mabili ngayon sa merkado at maging sa online stores.
Ayon kay Duque, dapat na kalimutan na ng publiko ang pagbili ng mga naturang produkto, lalo na kung hindi naman ito rehistrado o walang certificate of product registration (CPR) mula sa Food and Drugs Administration (FDA).
Apela pa ng kalihim, dapat na maging mapanuri ang publiko at kaagad na isumbong sa FDA hotline kung may makita silang ilegal na nagbe-benta ng mga anti-dengue supplement. “…kung wala po siyang ganu’n (CPR), kalimutan na po ninyo. O siguro, isangguni sa FDA hotline para isumbong kasi itong mga ibinebentang ito na kung food supplement ay sumasailalim po ‘yan sa regulatory quality ng FDA,” anang kalihim, sa isang pulong balitaan.
Paalala pa niya sa publiko, kung may maririnig silang nagsabi na gumaling sila sa paggamit ng tawa-tawa ay hindi ito kaagad dapat na paniwalaan.
Ayon kay Duque, dapat na tandaan ng mga mamamayan na ang 99.6% ng dengue cases ay gumagaling naman at tanging 0.4% ang namamatay.
“…so ito namang tawa-tawa, ang sinasabi ng Department of Science and Technology (DOST) ay mukhang meron silang resulta ng kanilang pananalisik na nagpapakita na puwedeng makatulong sa pagpapataas ng platelets ang tawa-tawa,” paliwanag pa ni Duque. “…pero gusto ko lang isipin ninyo, na kapag may nagsabi na dahil sa tawa-tawa ay siya ay gumaling, we have to take this with a grain of salt. Why do we say that? Remember, in dengue, 99.6% will recover. Only 4% will die, sadly. A great majority will recover, so if they drank tawa-tawa…. you have to under-stand the background na 99.6% will recover.”
Samantala, iniulat naman ni Duque na hanggang nitong Hulyo 27, umaabot na sa 167,607 ang naitala nilang dengue cases sa bansa, kung saan 720 sa mga ito ang nasawi.
Mahigpit ang paalala ni Duque sa publiko na maging maingat upang hindi mabiktima ng sakit na dala ng lamok.
Ayon sa kalihim, dapat ding kaagad na komunsulta sa doktor sakaling makitaan ang pasyente ng mga sintomas ng sakit.
Matatandaang kamakailan lamang ay nagdeklara na si Duque ng national dengue epidemic sa bansa dahil sa patuloy na pagdami ng nabibiktima ng sakit. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.