(Publiko pinaghahanda) KRISIS SA PAGKAIN NAPIPINTO

IBINABALA ng Department of Agriculture (DA) ang napipintong krisis sa pagkain dulot ng mga epekto ng COVID-19 pandemic sa ekonomiya, pagtaas ng presyo ng petrolyo at ng nagpapatuloy na Russia-Ukraine crisis.

“Nakikita natin at marami na ring mga eksperto ang nagsasabi na there is a looming food crisis. Tayo naman…ay handa tayo…Itong second semester of the year. Nakikita na ninyo ang pagtaas ng presyo ng inputs, kaunti ang mabibili sa global market,” wika ni DA Secretary William Dar.

Sinegundahan ni Agriculture Undersecretary Fermin Adriano ang pahayag ni Dar, at sinabing nakadagdag ang mababang produksiyon ng pagkain ng Pilipinas at ang lumolobong populasyon sa napipintong krisis.

Aniya, sa loob ng dalawang dekada ay lumalago lang ang productivity ng 1.1 percent na lubhang mababa habang ang populasyon ay lumalaki kada taon ng 1.4 percent.

Para pagaanin ang isyu, ang pamahalaan ay umaasa sa National Agriculture and Fisheries Modernization and Industrialization Plan, na kinabibilangan ng mga programa na magpapalakas sa food at agriculture production ng bansa.

Ang plano ay unang ipinatupad noong 2021 at inaasahang magpapatuloy hanggang 2030.

“We will pass on the document to the next leadership of the department. And as I said, there’s no time for a learning curve to the next officials ng agrikultura. Wala pong time kasi may krisis tayong kinahaharap,” ani Adriano.

Hinikayat din ng DA ang publiko na paghandaan ang napipintong krisis sa pagkain sa pamamagitan ng pagtatanim at pangingisda.