PUBLIKO PINAKALMA SA PAGSASARA NG LOTTO AT IBA PANG LARO NG PCSO

PCSO CLOSE

PINAKAKALMA ng Malakanyang ang publiko na nag-aalala sa pagsasara ng gaming operations ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).

Tiniyak ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na may mapagkukunan pa ang pamahalaan para sa mga humi­hingi ng medical assistance sa PCSO.

Makapagbibigay pa ng tulong ang gobyerno kahit sarado na ang gaming operations ng ahensiya. Bukod pa ay  mayroong Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor) na umaayuda sa pamahalaan.

Maaari ring magpalabas ang Office of the President ng pondo mula sa discretionary fund.

“Eh mayroon pa naman tayong Pagcor ‘di ba sa Office of the President, mayroong discretionary fund  ang Presidente,” pahayag ni Panelo.

Ipinayo ni Panelo, sumulat lamang sa tanggapan ni Pangulong Duterte o dumulog sa mga tanggapan ng Pagcor  para makahingi ng medical assistance.

21K  LOTTO, GAMING OUTLETS NAIPASARA

NASA 21,173 lotto and gaming outlets ang  naipasara ng  Philippine National Police (PNP)  sa buong bansa  bilang pagtalima sa direktiba ni Pangulong  Rodrigo Duterte na i-shutdown ang operasyon ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) dahil sa talamak ang korupsiyon na umaabot sa bilyon-bilyong piso.

Ayon sa talaan ng  PNP, nasa kabuuang 5,187 lotto stores; 13,320 small town lottery kiosks; 2,194 Peryahan ng Bayan outlets; at 472 Keno shops ang kanilang isinara.

Una nang umapela si PNP chief Police General Oscar Albayalde sa mga gaming outlet na operated ng PCSO na boluntaryo na lamang itigil ang ka-nilang operasyon.

Nagbabala naman si Albayalde sa sinumang ope­rator na mahuhuling hindi sumunod sa direktiba ng Pangulo ay aarestuhin ng pulisya.

Nitong Sabado ay  nakapag-isyu na  ng mahigit  5,000 closure notice ang Philippine National Police sa mga PCSO lotto outlet.

Nabatid na nasa  2,211 lotto stalls  at iba pang  gaming outlets ang naipasara na ng PNP- National  Capital Regional Police Office nitong nakalipas na Sabado

Ayon  naman kay NCRPO Director P/MGen. Guilermo Eleazar, pinakamaraming lotto outlet ang kanilang naipasara sa lungsod ng Maynila na  486 outlets habang 376 sa Quezon City at 266 sa Caloocan.

Samantala, umabot sa 2,531 na PCSO outlets ang naisara ng PNP- Region 4A kahapon.

Sa datos na inilabas ng pulisya, nakapagsara sila sa Cavite ng 334 lotto outlets at 1,333 Small Town Lottery (STL).

Sa Laguna, tigil na rin ang operasyon ng 145 lotto outlets at 31 STL habang sa Batangas sarado na ang 165 lotto outlets, 38 STL, at 57 Keno outlets.

Sa Rizal naman nasa 198 ang  ipinasarang  lotto outlets, 15 STL, at 49 Keno outlets samantalang sa Quezon ay umabot sa 93 lotto outlets, 44 STL, at 29 Keno outlets.         VERLIN RUIZ

Comments are closed.