HINIMOK ng ilang advocacy organizations ang publiko na aktibong makibahagi sa isinasagawang pagdinig ng Mababang Kapulungan ng Kongreso sa panukalang P4.506 trilyon na pambansang badget para sa susunod na taon.
Sa “Usapang Kongreso, Budget ng Bayan” ng Lower House, na naka-livestream sa social media, sinabi ni Action for Economic Reforms (AER) Research Associate Viviane Apostol na importante ang partisipasyon ng taumbayan sa budget hearings upang matiyak na makapaglalaan ang pamahalaan ng pondo para sa pangangailangan ng mamamayan nito.
“Ang mahalaga po kasi dito sa pakikilahok ng mga mamamayan is that kung makikilahok po sila, malalaman po natin kung ano po ang kanilang kailangan. At ang ating mga LGU, ang ating gobyerno, malalaman rin nila or makikita rin nila kung paano sila gagawa ng mga solusyon, kasama ng mga mamamayan – kung paano i-address ang mga problemang ito. So mula sa data gathering at sa response side, inclusivity is essential to growth,” sabi ni Apostol.
Sa panig naman ni Healthy Philippine Alliance (HPA) Project Manager Ralph Degollacion, binigyan-diin niya na bahagi ng karapatan ng taumbayan na maging parte sa mga pagdinig ng Kongreso kabilang na ang paghimay sa proposed national budget.
“Ang pakikilahok po ng sambayanan sa proseso ng budget ay unang-una sa tingin ko po ay karapatan ng bawat isa, dahil lahat naman tayo ay mamamayan ng bansang ito at ang taxpayer, ‘di ba? So, ang mahalagang word siguro dun ay we’re paying our taxes, so it’s just right at ito ay isang karapatan na dapat nating i-claim,” giit ni Degollacion.
Ang kauna-unahang pagsusulong ng ‘public participation’ sa pagdinig ng Kamara sa 2021 General Apppropriations Bill (GAB) ay inisyatibo ni Speaker Alan Peter Cayetano, na nagsabi ring gagamitin ng Kongreso ang makabagong teknolohiya upang ang publiko ay hindi lamang makapanood o marinig ang budget deliberations bagkus ay maging direktang kasali rin ang mga ito sa naturang proseso.
“Ito ay isa ring paraan para i-hold nating accountable ang ating mga public officers and officials, kasi, again, ang ginagastang pera, o ang gagastahing pera sa budget ay tax payers money, public money. So, ito rin ay isang pamamaraan during the budget deliberation upang magtanong tayo kung papaano ba na gastos ang ating budget ng nakaraang taon. At papaano ito gagastusin sa mga susunod na taon? So, ito’y isang magandang inisyatibo at also builds confidence and it strengthens governance ng ating pamahalaan,” ayon pa kay Cayetano. ROMER R. BUTUYAN
Comments are closed.