TINIYAK ni Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Dionardo Carlos na hihintayin nila ang alokasyon ng COVID-19 vaccines para sa booster shots at unahin muna ang publiko na makumpleto bago ang kanilang hanay.
Ani Carlos, halos lahat ng populasyon ay nabakunahan na at upang agad makamit ang herd immunity ng bansa ay dapat magamit ang mga parating na doses ng COVID-19 vaccines ng mga ordinaryong Pilipino.
“Masiguro muna natin na ‘yung mga kababayan natin ay nauna na,” ani Carlos.
Sakali naman aniyang mapaglaanan na sila ng bakuna ay gaya ng isinagawa sa unang vaccination rollout sa PNP noong Marso, mga frontliner cop o medic sa loob ng organisasyon ang prayoridad na tatanggap ng booster shots bilang preparasyon naman ng kanilang kalusugan sa pag-administer ng bakuna sa kapwa pulis at maging sa mga dependent.
Matapos ang PNP medical frontliner cops ay ang mga pulis na nasa quarantine choke points na nasa lansangan ang susunod na makatatanggap ng booster shots.
“We will prioritize our PNP medical frontliners para sa booster shots once available. Isunod natin yung mga pulis natin sa mga QCPs na nasa mga lansangan,” ayon kay Carlos.
Dagdag pa nito, ongoing ang pagbabakuna sa mga dependent ng pulis.
Samantala, sa datos ng PNP, nasa 92.74% o 209,358 na ang nakakumpleto ng COVID-19 vaccines; 6.32% o 14,257 ang nakatanggap ng unang dose habang 0.94% o 2,132 pulis pa ang hindi nababakunahan kung saan 858 o 0.39% ang may valid reason gaya ng pagkakaroon ng karamdaman habang 0.57% 0 1,273 pulis ang takot pa ring magpabakuna batay sa kanilang paniniwala.
Ang kabuusang doses ng bakuna na administer sa PNP ay nasa 395,315 hanggang kahapon.
EUNICE CELARIO