CAMP CRAME- NANAWAGAN ang Philippine National Police (PNP) sa publiko na huwag katakutan ang mga ipinosteng checkpoints sa mga lagusan palabas ng Metro Manila.
Sa paliwanag ni Lt. Gen. Guillermo Eleazar, PNP Deputy Chief for Operations, sumusunod lamang ang pulisya sa kanilang tungkulin kasunod ng ipinatupad na community quarantine kahapon ng madaling araw.
Aniya, layunin lamang nito na mabawasan ang movement ng mga tao sa publiko subalit tiniyak na makapapasok at makalalabas naman ang mga nag-tatrabaho sa Metro Manila na nakatira sa karatig lalawigan gaya sa Rizal, Laguna, Cavite, Batangas, Bulacan at Pampanga.
Aniya, huwag kamuhian ang pulisya dahil itinataya nila ang kanilang buhay bilang frontliners at pagtugon lamang sa kautusan ng pangulo ang kanilang ginagawa.
Tinukoy naman ni MGen. Debol Sinas, director ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang 56 entry/exit points sa Metro Manila kung saan nakatirik ang checkpoints.
Kahapon ay kadalasang temperature scanning lang ang napansing ginagawa ng mga pulis subalit paliwanag ni Sinas, ito ay upang hindi matakot ang publiko dahil nasa warning mode pa lamang subalit ngayong araw ay magiging mabusisi ang kanilang pagsisiyasat. EUNICE C.
Comments are closed.