PUERTO GALERA BAGSAK SA WATER QUALITY TESTS

MINDORO- IPINAHAYAG ni Oriental Mindoro Governor Bonz Dolor na bumagsak sa apat na magkakasunod na water quality tests ang Puerto Galera at karatig na mga lugar nito dahilan para hindi maging ligtas para sa swimming at iba pang water activities.

Ayon sa Gobernador, bago pa man ang Holy week mayroon ng findings na bagsak sa lebel ng oil o grease ang kalidad ng tubig sa nasabing mga karagatan.

Sinabi rin umano ng local executive, nauna nang tinutulan ng lokal na pamahalaan ng Puerto Galera ang pagdedeklara ng state of calamity sa isla.

Nang tanungin ang Gobernador kung magiging liable ang local officials sa Puerto Galera dahil sa pagpapahintulot pa rin ng mga turista at mga residente para lumangoy sa kanilang karagatan kahit pa batid nilang mayroong mga bakas ng langis sa lugar, tumanggi itong magkomento.

Aniya, hintayin na muna ang opisyal na posisyon ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) hinggil dito bago magpatupad ng ban sa mga nais maligo o mag-swimming at water activities sa nabanggit na lugar.

Sa kasalukuyan, ang kalidad ng iniinom na tubig sa nasasakupan ng 14 na Barangay sa bayan ng Pola at iba pang mga Barangay sa bayan ng Naujan ay bumagsak rin umano sa water quality tests. EVELYN GARCIA