ORIENTAL MINDORO – SA isang matagumpay na deklarasyon, mariing ipinahayag ni Mayor Rocky Ilagan ang Puerto Galera bilang Diving Capital ng Pilipinas kung saan pinalalakas ang posisyon ng bayan bilang punong destinasyon para sa mga divers mula sa buong mundo.
Ang pahayag na ito ay naganap sa isang press conference sa Puerto Galera Municipal Hall na dinaluhan ng mga miyembro ng lokal na pamahalaan, komunidad ng divers, at mga kinatawan ng media.
Ipinaliwanag ni Mayor Ilagan kung bakit karapat-dapat ang Puerto Galera na magkaroon ng prestihiyosong titulong Diving Capital.
Una, ang lokasyon nito na katabi ng Verde Island Passage, kilalang tahanan ng malawakang biodiversity ng mga isda sa mga baybayin ay nag-aalok sa divers ng hindi malilimutang pagkakataon upang masilayan ang yaman ng ilalim ng karagatan.
Pangalawa, ang munisipyo ay mayroong higit sa 40 world-class na mga dive site, lahat ay napakalapit sa mga dive center na nagbibigay daan sa mga diver nang walang abala na naipagpatuloy ang paglalakbay sa kaharian ng mga kamangha-manghang yaman ng ilalim ng karagatan.
Binigyang-diin ni Mayor Ilagan ang malalim na kaugnayan ng Puerto Galera sa mundo ng diving na mayroong 62 na tindahan na kaanib sa mga pangunahing organisasyon at nag-aambag sa makulay na kultura ng diving na nagbibigay kulay sa rehiyon.
Dagdag pa ni Ilagan na ang malapit na distansiya nito sa Metro Manila ay nagbibigay-daan sa divers na madaling makapunta sa lugar.
Ang Puerto Galera ay nagkaroon na rin ng pandaigdigang pagkilala, kasama na ang pagiging unang UNESCO Man and Biosphere Reserve sa Pilipinas simula pa noong 1976 at ang pagtanggap sa Puerto Galera Bay bilang isa sa pinakamagandang baybayin sa buong mundo.
Sinimulan ang Diving Capital Campaign ng Puerto Galera at ipagdiwang ang prestihiyosong status na ito, ng maraming mga aktibidad na ihihanda mula nitong Oktubre 5 kasabay ng Sabang Oktoberfest 2023.
Ang araw na ito ay kinabibilangan ng isang beach at underwater clean-up drive, isang diving bazaar, at isang gabing gala kung saan opisyal na inilunsad ang kampanya, kasama ang live entertainment, fireworks, at ang pag-aalok ng Diving Capital logo na sumisimbolo sa tapat na pangako ng Puerto Galera sa kanilang papel bilang Diving Capital.
RON LOZANO