PUMANA ng pitong gintong medalya si Miguel Adrian Carlos ng Puerto Princesa sa archery matapos ang day 5 ng Philippine Sports Commission-Batang Pinoy 2022 na ginanap sa San Ildefonso, Central School, Ilocos Sur.
Tinudla ng 12-yer-old student na nag-aaral sa Special Program for Arts sa Palawan National School, Carlos ang panalo sa Boys‘ under-13 sa 25m (Score 312), 20m (327), 30m (331), 40m (313), 1440 competition, Olympic Round at Mixed Team event kung saan ay nakatambal niya si Lizette Mayumi Bagnol.
Si Carlos ang pinakamaraming kinahon na gold medal sa grassroots development program ng PSC sa pamumuno ni chairman chairman Jose Emmanuel ‘Noli’ M. Eala habang ang City of Baguio ang nangunguna matapos kumolekta ng 28 gold, 27 silver at 35 bronze medals.
“Nagulat kami sa 7 golds na nakuha ni Miguel but he deserves it kasi masipag sa training.” sabi ni Ramil Carlos, ama ni Miguel.
Anim na gold medal naman ang nasilo ni nine-year-old Jathniel Caleb Fernandez sa archery para tulungan ang City of Baguio na manatili sa tuktok.
Pumitas ng ginto si Fernandez sa Under-10 Boys’ 10m, 15m, 20m, 30m, 1440 at Olympic round.
“I think our game plan for BP went well and those selected had to concentrate on their trainings and preparations for this national event,” wika ni Sports Development Officer IV ng Baguio City, Gudz Gonzales.
Samantala, limang ginto ang ikinuwintas ni Leonelyn Compuesto ng Masbate matapos manalo sa 100-meter,200m, 400m, 4x100m relay bago nakipagkampihan kina Realyn Lanuza, Jesalyn Materdan at Alessandra Capellan para manalo sa girls 4x400m relay sa itinalang apat na minuto at 14.96 segundo.
Nagpakitang-gilas naman si Ruelle Canino ng Cagayan De Oro sa chess event matapos kalawitin ang gintong medalya sa Under-15 Female Standard Chess na ginanap sa Baluarte, Function Hall.
Nakapagtala si 14-year-old chess sensation Canino ng perfect five points, kaparehong puntos ni Maria Kristine Lavandero ng Cebu City subalit matapos ipatupad ang tie-break ay hinirang na kampeon ang una at nasikwat ng huli ang silver medal.
Nasungkit ni Jersey Marticio ang bronze matapos ilista ang apat na puntos sa event na inisponsoran ng Philippine Amusement and Gaming Corporation, Department of Interior and Local Government Unit, Department of Education, MILO Philippines, Pocari Sweat Otsuka Solar Philippines, Universal Robina Corporation, Coca-Cola Beverages Philippines, Globe Telecom at Beautederm.
CLYDE MARIANO