PUERTO RICO SINIBAK ANG KENYA SA CHALLENGER CUP

UMUSAD ang Puerto Rico sa semifinals sa 2024 FIVB Women’s Volleyball Challenger Cup matapos walisin ang Kenya, 25-20, 25-19, 27-25, nitong Huwebes sa Ninoy Aquino Stadium. Kuha ni RUDY ESPERAS

SUMANDAL ang Puerto Rico sa hard-hitting moves ni Grace Lopez upang pataubin ang Kenya, 25-20, 25-19, 27-25, at kunin ang isang semifinal ticket sa 2024 FIVB Women’s Volleyball Challenger Cup opener nitong Huwebes sa Ninoy Aquino Stadium.

Ipinamalas ni 18-year-old Lopez ang kanyang husay sa opensa sa  straight sets sa pagkamada ng 18 kills at service ace para sa 19 points upang igiya ang Puerto Ricans sa semifinal clash sa mananalo sa Sweden-Belgium match, sa Sabado.

“We had a good start and we’re hoping to get another win in the semifinal,” pahayag ni opposite spiker Lopez sa mga reporter matapos ang laro na tumagal ng isang oras at  36 minuto. “We started strong and focus on servings. I think those were the things that helped us.”

Nagtala si middle blocker Diana Reyes ng 10 points sa 8 attacks at 2 service aces at nag-ambag si Stephanie Rivera ng 9 points — pawang sa attacks — para sa  Puerto Ricans.

“It’s really good here in the Philippines. The people are so nice and the food taste so good.”

Nakakuha ang Kenya, pasok na sa Paris Summer Olympic Games, ng 21 attacks at 1 block mula kay Pamella Owino na hindi nakakuha ng suporta sa kanyang teammates.

Ang knockout tournament Challenger Cup na inorganisa ng Philippine National Volleyball Federation na pinamumunuan ni Ramon “Tats Suzara ay tinatampukan ng walong koponan mula sa limang continental confederations na sumasabak para sa qualification sa elite FIVB Volleyball Nations League (VNL) women’s sa susunod na taon.

Matapos ang semifinals sa Sabado, ang mga mananalo ay maglalaban para sa gold sa Linggo.

Samantala, susubukan ng European Golden League silver medalist Czech Republic, sa pangunguna ni outside hitter Michaela Mlejnkova, ang Argentina ng South American Volleyball Confederation ngayong Biyernes, alas-3 ng hapon.

Galing sa gold medal finish sa Asian Volleyball Confederation Challenge Cup, makakaharap ng Southeast Asia’s No. 1 Vietnam ang host Alas Pilipinas Women, bronze medalist sa parehong torneo, sa alas-6:30 ng gabi.