PUERTO RICO WAGI SA SOUTH SUDAN SA OT

Pinagtulungang depensahan nina Carlik Jones at Marial Shayok ng South Sudan si Israel Romero ng Puerto Rico sa kanilang laro sa 2023 FIBA Basketball World Cup kahapon sa Smart Araneta Colisium. Kuha ni PETER BALTAZAR

 

BUMANGON ang Puerto Rico mula sa double-digit halftime deficit at nanalasa sa overtime upang maitakas ang 101-96 comeback win laban sa South Sudan sa Group B ng 2023 FIBA Basketball World Cup nitong Sabado sa Araneta Coliseum.

Kinailangan ng Puerto Rico na malusutan ang malaking performance ni Chicago Bull at NBA G League MVP Carlik Jones, na kumana ng 38 points, 11 assists at 4 steals para sa South Sudan.

Maagang nagparamdam si Jones sa pagkamada ng 8 points at pagbibigay ng 4 assists sa first quarter pa lamang. Sa halftime, umiskor na siya ng 16 points, kung saan naitarak ng South Sudan ang double-digit lead, 52-42.

Naging bayani ng Puerto Rico si Ismael Romero sa regulation, kung saan umiskor ito ng 8 points sa fourth, kabilang ang back-to-back baskets na bumura sa three-point lead ng South Sudan sa 79-78 advantage para sa Puerto Ricans.

Isang clutch three-pointer mula kay Jones ang nagtabla sa talaan sa 81-81, may 10 segundo ang nalalabi bago nagkaroon ng tsansa si Romero na kunin ang panalo sa pamamagitan ng dalawang free throw attempts, may 0.3 segundo ang nalalabi, subalit kapwa ito nagmintis.

Sa extra period ay nagbida sina George Conditt at Stephen Thompson Jr. para sa Puerto Rico. Naipasok ni Conditt ang isa at isinalpak ni Thompson Jr. ang dalawang triples nang bumanat sila ng 10-1 run para sa 91-82 kalamangan.

Sa kabila ng kabayanihan ni Jones, na naitala ang 11 sa 15 points ng South Sudan sa overtime, naitakas ng Puerto Rico ang panalo, salamat sa steady free throw shooting nina Jordan Howard at Isaiah Piniero.

Nanguna si Thompson Jr. para sa Puerto Rico na may team-highs na 21 points at 13 rebounds.

Nagdagdag si Tremont Waters ng 19 points at 10 assists habang nagtala rin sina Conditt (18 points, 11 rebounds) at Romero (16 points, 12 rebounds) ng double-doubles.