NORTH COTABATO – NAPATAY ng pulisya ang matagal nang pinaghahanap na lalaki na pumuga sa selda habang naaresto naman ang kaniyang kasama sa bayan ng Midsayap.
Ayon kay Brig. Gen. Eliseo Tam Rasco, director of Police Regional Office 12 (Soccsksargen), kinilala ang dating preso na si Thorag Sandalan Sabal alyas Erick Pasanggalan, habang ang naaresto ay si Nasser Makabangen Usman.
Nagsanib ang pulisya at militar para arestuhin si Sabal sa kaniyang safehouse sa Barangay Olandang, Midsayap alas-10 ng umaga nang pumalag ito at unang nagpaputok sa awtoridad.
Dahil mabilis na nakaporma ang mga pulis ay nabaril si Sabal na sanhi ng kamatayan nito.
Si Sabal at ang anim pang inmates ay tumakas sa Maguindanao Provincial Jail noong Mayo 24, 2018.
Nahaharap ito sa kasong murder, illegal drugs possession at illegal possession of firearms.
“During the law enforcement operation, Sabal was armed with a pistol and fired at the operating elements of the Midsayap police and Army’s 34th Infantry Battalion, prompting the troopers to retaliate that led to the suspect’s death,” ayon kay Rasco.
Naaresto naman ng raiding team si Usman, na kasama ni Sabal habang natagpuan sa kanyang hideout ang isang .45 caliber pistol, dalawang sachets ng shabu, tooter, tatlong disposable lighters, at isang .45 caliber cartridge.
Maging si Usman ay nakuhanan din ng armas at mga bala. PILIPINO Mirror Reportorial Team
Comments are closed.