PUGANTE SA LAGUNA ARESTO SA MAYNILA

arestado

LAGUNA -MAKARAAN ang halos isang taong pagtatago sa batas mula ng tumakas sa Sta. Cruz Laguna PNP Custodial Cell, muling naaresto ng mga kagawad ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Manila District Field Unit at Sta. Cruz PNP ang 42- anyos na pugante sa San Andres Bukid sa lungsod ng Maynila.

Sa pamamagitan ng isang impormante, agarang naaresto ang suspek na kinilala ni PLt. Col. Chitadel Gaoiran, hepe ng pulisya na si Peter Alcantara, construction worker, tubong Bgy. San Pablo Norte, Sta. Cruz, Laguna na nahaharap sa kasong Murder.

Ayon sa isinumiteng report ni Gaoiran kay Laguna PNP Provincial Director PCol. Serafin Petalio II, nagawang tumakas ng suspek noong Enero 23 ng nakaraang taon dakong alas-3 ng hapon habang abalang abala umano ang nakatalagang Jail Guard sa pagpapadala ng mga preso sa kanilang court hearing.

Nagawa nitong makapagtago sa kanyang mga kaanak sa Maynila at sa isinagawang follow up operation ng mga awtoridad, hindi inaasahang matukoy ng mga ito ang pinagtataguan ng suspek kung saan agarang nagkasa ng Manhunt Charlie sa lugar kasunod ang isinagawang pag-aresto.

Kasong murder kinakaharap ng suspek nang saksakin nito ang biktimang si Celso Lizarondo noong ika-27 ng buwan ng Nobyembre taon 2019 sa Bgy. San Pablo Norte bayan ng Sta. Cruz bandang alas- 10 ng gabi habang nag-iinom ang mga ito kasama ang iba pa nilang kaibigan na nauwi sa mainitang pagtatalo.

Binawian nang buhay ang biktima matapos magtamo ito ng matinding tama ng saksak sa kanyang sikmura kung saan mabilis naman naaresto ng mga tauhan ni dating Sta. Cruz Chief of Police PLt. Col. Armie Agbuya habang papatakas ang suspek.

Samantala, iniharap ng pulisya kay Sta. Cruz Municipal Mayor Egay San Luis at sa misis ng biktima na si Estrella ang suspek kasunod ng ipinagka-loob na pabuya na halagang P100K sa lumitaw na impormante na nakapagbigay ng matibay na impormasyon kung saan matatagpuan ang puganteng si Alcantara.

Balik piitan ang suspek sa Sta. Cruz Municipal Custodial Cell para harapin nito ang karagdagan pang kasong isasampa ng pulisya laban dito. DICK GARAY

Comments are closed.