PUGANTE SA NEGROS TIKLO SA ZAMBO

ZAMBOANGA DEL NORTE- ISANG pugante sa Negros Occidental police facility jail ang naaresto ng pulisya sa lalawigang ito.

Kinilala ni Police Region Office 7 Regional Director Brig. Gen. Roderick Augustus Alba ang naaresto na si John Mike Olipres alyas Tata Vendetta.

Si Olipres ay naaresto ng pinagsanib na 1st Provincial Mobile Force Company, NOPPO, Provincial Intelligence Unit, Bacong Municipal Police Station, Dapitan City Police Station, at Zamboanga Del Norte Police Provincial Office sa Brgy. Sta. Cruz, Dapitan City, pasado alas- 12:12 ng hapon nitong Sabado.

Sinabi ni Alba na pumuga sa Bacong Municipal Police Station’s custodial facility sa Brgy. West, Poblacion, Bacong, Negros Oriental si Olipres nitong Nobyembre 16 ng umaga.

Agad inalam ng mga pulis ang record ni Olipres kung saan maaari itong magtago at natunton na mula sa Visayas ay nagtungo ito sa Mindanao.

Sa maigting na koordinasyon ng PRO 7 at PRO 9 ay naaresto ang preso na nahaharap sa kaso ng droga.
Samantala, tiniyak ni Alba na iimbestigahan kung paano nakatakas si Olipres. EUNICE CELARIO