PAMPANGA- INARESTO ng mga tauhan ng Fugitive Search Unit (FSU) ng Bureau of Immigration (BI) ang puganteng South Korean national na wanted dahil sa pagkakasangkot ng telecommunications fraud sa Seoul.
Ayon sa report ng FSU kinilala ang suspek na si Lee Seul Ki, 37-anyos at nahuli ito noong Hulyo 11 sa kanyang tinitirahan condominium unit sa loob ng Clark Freeport Zone sa Angeles, Pampanga.
Ayon sa Immigration travel data base dumating si Lee noong May 26, 2016 at hindi na umalis o naisipan na mag-renew ng kanyang tourist visa hanggang sa kasalukuyan.
Nadiskubre ng BI-Interpol na si Lee mayroon nakabinbin na Warrant of Arrest na inisyu ng Central District Prosecutors Office ng Seoul at sa Nambu District Court noong Pebrero 17, 2017.
Ayon sa Seoul Central prosecutors Office, miyembro ito ng Voice Phising Syndicate kung saan nagpapanggap na isang Police Officer na siyang tumatawag sa mga biktima upang mag-transfer ng pera sa kanyang bank account.
Batay sa impormasyon tinatayang aabot sa 178 milyon Won o katumbas ng US$130,000 ang nakulimbat mula sa kanyang mga biktima.
Kasalukuyang si Lee ay naka-detain sa BI Detention Central sa Camp Bagong Diwa Taguig City habang naka-pending ang kanyang deportation order sa opisina ng BI Board of Commissioners. FROILAN MORALLOS