NAARESTO ng mga ahente ng Bureau of Immigration (BI) ang isang American national na wanted ng federal authorities sa Texas dahil sa kanyang pagiging sex offender.
Kinilala ni BI Commissioner Jaime Morente ang suspek na si Stacey Thomas na nahuli sa kanyang bahay sa Bagong Buwan Teresa Heights sa Fairview, Quezon City.
Naaresto si Thomas sa bisa ng mission order na kanyang ipinalabas at sa tulong ng US embassy sa Manila para sa agarang deportation upang harapin nito ang kinasasangkutang kaso sa kanilang bansa.
Nakarating sa pamunuan ng Immigration na ang suspek ay mayroong nakabinbin na arrest warrant na inisyu ng US District Court sa Western Texas dahil sa kasong abusive sexual contact.
Si Thomas ay nasa hitlist din ng FBI dahil sa pagiging wanted mula pa noong Hulyo 2010.
Ayon naman kay BI intelligence officer Bobby Raquepo, hepe ng Fugitive Search Unit (FSU), dumating sa bansa ang suspek noon pang Agosto 2010 upang takasan ang kanyang nagawang kasalanan.
Nasa BI detention facility sa Taguig City ang suspek habang on going ang deportation proceeding ng BI Board of Commissioners laban dito. FROI MORALLOS