KARANIWAN nang ipinagdiriwang ang Bonifacio Day tuwing ika-30 ng Nobyembre. Pero sa taong ito, sa Lunes ika-27 ng Nobyembre ang itinalaga ng pamahalaan na “legal holiday” upang gunitain ang bayaning si Andres Bonifacio.
Ang dahilan? Ang tinatawag na “holiday economics.” Ito ang pagkakaroon ng mahahabang weekend upang makapag-biyahe ang mga tao, makapag-bakasyon, at makatulong sa industriya ng turismo sa bansa. Bahagi ito ng pagbangon ng ekonomiya pagkatapos ng pandemya.
Ano nga ba ang pwedeng gawin simula bukas Sabado hanggang sa Lunes? Karamihan sa atin ay siguradong sasamantalahin ang long weekend na ito upang mamili ng mga panregalo o maghanda para sa nalalapit na buwan ng Disyembre. Ang iba naman ay siguradong dadalhin ang pamilya sa iba’t-ibang pasyalan sa Metro Manila (at karatig probinsya) para kumain, mamasyal, mag-relax, at mag-shopping.
Bilang pag-gunita sa dakilang bayani, maaaring bisitahin ang iba’t-ibang monumento ni Bonifacio sa bansa, kabilang na ang “monumento” sa Caloocan City, ang Bonifacio Shrine sa tapat ng Manila City Hall, ang Liwasang Bonifacio sa harap ng dating Manila Post Office, at ang monumento ni Bonifacio sa tapat ng Tutuban Center sa Divisoria.
Mainam ding gunitain ang bayani sa pamamagitan ng kanyang mga likha. Basahin natin, at basahin natin sa ating mga anak, ang “Ang Dapat Mabatid ng mga Tagalog” at ang “Pag-ibig sa
Tinubuang Lupa.” Narito ang ilang linya mula sa huli, bilang pagtatapos ng maikling sanaysay na ito:
Nasaan ang dangal ng mga Tagalog, nasaan ang dugong dapat na ibuhos? bayan ay inaapi, bakit di kumikilos? at natitilihang ito’y mapanuod.