PUI UMABOT NA SA 80 DAHIL SA NCOV

PUI

LUMOBO na sa 80 ang bilang ng mga indibiduwal na itinuturing ng Department of Health (DOH) na patients under investigation (PUI) dahil sa 2019 novel coronavirus acute respiratory disease (2019 nCoV ARD).

Ang naturang bilang ay naitala ng DOH nitong Lunes, mula sa dating 36 PUI lamang noong Sabado at 52 PUI naman noong Linggo.

Ipinaliwanag naman ni Health Secretary Francisco Duque III na ang biglaang paglobo ng bilang ng PUI ay dahil na rin sa pinalakas nilang surveillance system laban sa sakit, gayundin sa maigting na contact tracing na kanilang isinasagawa.

“Ito pong pagtaas ng ating PUI ay nanga­ngahulugan na ang ating pong pagmamatiyag o surveillance ay atin nang napaunlad. Ganoon din po ang contact tracing natin,” ayon kay Duque, sa isang pulong balitaan kahapon ng tanghali sa tanggapan ng DOH.

Bunga rin aniya ito nang pagpapalawak na rin nila sa sakop ng mga PUI category, na nakakasakop na ngayon sa buong China, sa halip na Wuhan, Hubei lamang.

Sinabi ni Duque na kabilang sa naturang 80 PUI ang 30 na nag-negatibo na sa virus, dalawang kumpirmadong dinapuan ng nCoV, habang 48 pa ang naghihintay ng resulta ng laboratory tests sa kanila.

Nasa 67 pa rin umano sa mga PUI ang kasalukuyang naka-admit at naka-isolated sa iba’t ibang pagamutan sa bansa, habang 10 sa kanila ang nakalabas na ng pagamutan ngunit under strict monitoring pa rin.

“To date, ang ating pong Research Institute for Tropical Medicine (RITM) ay kinukumpirma ang 30 PUIs bilang negative for the 2019-nCoV tests,” ani Duque.

Matatandaang may isang PUI na rin ang u­nang iniulat na namatay habang inoobserbahan sa San Lazaro Hospital, ngunit nakumpirma nang severe pneumonia na kumplikasyon ng human immunodeficiency virus (HIV) ang sanhi nito.

Nitong Pebrero 1 naman binawian na rin ng buhay ang isa sa dalawang kumpirmadong kaso ng nCoV sa bansa, na siyang itinuturing na kauna-unahang nCoV death sa labas ng China.

Nakatakda naman na umanong i-cremate ang bangkay nito upang matiyak na mamamatay na ang virus na taglay nito sa kanyang katawan.

Ang isa pang confirmed case ng nCoV sa bansa ay kasalukuyan pa ring naka-confine sa San Lazaro Hospital at kinakailangan pa ring dumaan sa dalawa pang pagsusuri bago tuluyang payagang makalabas ng pagamutan.

Natukoy na rin naman ng DOH ang ilang indibiduwal na nagkaroon ng close contact sa mga confirmed nCoV patients at sinusuri na rin sila laban sa virus.

Batay sa ulat, hanggang nitong Lunes ay nasa 350 na ang namatay sa nCoV sa China, habang nasa mahigit 11,000 naman ang kumpirmadong dinapuan na ng naturang virus. ANA ROSARIO HERNANDEZ