MAHIGIT 20 na lamang ang patients under investigation (PUIs) na patuloy pa ring naka-admit sa iba’t ibang pagamutan sa bansa dahil sa banta ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Batay sa datos na inilabas ng Deparment of Health sa pamamagitan ng kanilang COVID-19 case tracker, nabatid na mula sa kabuuang 639 PUIs na naitala, ay 23 na lamang ang nananatili pang inoobserbahan sa mga pagamutan hanggang 12:00 ng tanghali nitong Marso 3, 2020.
Ayon sa DOH, pinakamarami pa ring PUIs na naka-confine sa National Capital Region (NCR), na nasa 10; sumunod ang Central Luzon, na may 7 admitted PUIs.
May tig-isang kaso naman ng PUI ang nasa mga pagamutan pa rin sa Western Visayas, Cordillera Administrative Region, Davao Region, Northern Mindanao, Ilocos Region at SOCCSKSARGEN.
Nasa kabuuang 613 PUIs naman na ang nakalabas o na-discharged na mula sa mga ospital matapos na mag-negatibo na sa virus, kabilang dito ang tatlong PUIs na binawian ng buhay dahil sa pneumonia habang nananatili pa rin naman sa tatlo ang bilang ng mga kumpirmadong COVID-19 cases sa Filipinas.
Kinabibilangan ito ng tatlong Chinese nationals na mula sa Wuhan City, Hubei, China, na itinuturing na siyang epicenter ng virus. Isa sa kanila ang binawian ng buhay, habang dalawa ang nakarekober at nakauwi na sa kanilang bansa.
Samantala, kinumpirma rin naman ng DOH na umabot na sa 15 ang mga repatriates mula sa cruise ship na MV Diamond Princess na kasalukuyang naka-quarantine sa New Clark City (NCC), Capas, Tarlac, ang nakitaan ng mga sintomas ng respiratory illness.
Ayon kay Health Assistant Secretary Maria Rosario Vergeire, 14 naman na sa mga ito ang nag-negatibo na sa virus at naibalik na sa NCC upang tapusin ang kanilang 14-day quarantine bago tuluyang payagang makauwi sa kani-kanilang lalawigan.
Inaantabayanan pa naman sa ngayon ng DOH ang resulta ng pagsusuri ng Research Institute for Tropical Medicine (RITM) sa isa pang repatriate na nakitaan ng sintomas ng sakit, at nananatili pa ring naka-confine sa pagamutan.
Una nang isinugod sa mga referral hospitals sa Central Luzon ang 15 Pinoy repatriates matapos na makitaan ng pananakit ng lalamunan, ubo, at lagnat, na ilan din sa sintomas ng COVID-19.
Matatandaang Pebrero 25 ng gabi nang mapauwi sa bansa ang nasa 445 Pinoy repatriates mula sa cruise ship, na dinapuan ng virus, at nakatakdang magtapos ang kanilang 14-day quarantine sa Marso 10, 2020. ANA ROSARIO HERNANDEZ