PUIs TULOY SA PAGBABA

PUI

PATULOY na sa pagbaba ang bilang ng mga indibiduwal na itinuturing ng Department of Health (DOH) na patients under investigation (PUI) at kasalukuyan pang naka-confine sa iba’t ibang pagamutan sa bansa dahil sa banta ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Batay sa pinakahuling datos na inilabas ng DOH, nabatid na hanggang 12:00 ng tanghali nitong Huwebes, Pebrero 27, ay nasa kabuuang 615 na ang PUIs na naitala nila sa bansa.

Ayon sa DOH, sa naturang bilang ay 64 PUIs na lamang ang nananatili pa ring admitted o nilalapatan ng lunas sa mga pagamutan sa bansa.

Nabatid na pinakamarami pa ring PUIs na naka-confine sa mga pagamutan sa National Capital Region (NCR), na nasa 56 pa.

Dalawang PUIs naman ang naka-confine pa sa pagamutan sa Cordillera Autonomous Region (CAR) habang tig-isa naman ang PUI na admitted pa sa mga ospital sa Calabarzon, Central Luzon, Central Visayas, Cagayan Valley, Northern Mindanao at Ilocos Region.

Samantala, nasa 548 naman na ang mga PUIs na pinayagan na ng DOH na ma-discharged o makalabas na sa mga pagamutan ngunit patuloy na isinasailalim pa rin ang mga ito sa istriktong monitoring.

Nananatili pa rin naman sa tatlo ang bilang ng kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa Fili­pinas, na pawang Chinese nationals na mula sa Wuhan City, Hubei, China, at nagbakasyon lamang sa bansa.

Isa sa mga ito ang binawian na ng buhay habang ang dalawang iba pa ay nakarekober na sa sakit at nakabalik na rin sa China. ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.