LAGUNA- NADAKIP ng mga awtoridad ang isang aktibong pulis na tinaguriang isa sa high value individual ng Laguna Intelligence unit sa ikinasang buy bust operation sa Purok 9, Barangay 1 ng Liliw SA lalawigang ito.
Kinilala ni Col. Randy Glenn Silvio, Laguna police director ang suspek na si Staff Sgt. Benhur Dejesa Verdera, 40-anyos at hepe ng warrant section ng Liliw police station.
Nakilala naman ang dalawang sibilyan na kasamahan ni Verdera na sina Kevin John Ballos, 30-,anyos at Alejandro Rodriguez, alias “ Adjie” , 42-anyos, pawang mga residente ng Liliw.
Sa ulat ng pulisya, si Verdera ay matagal na umanong minamanmanan ng mga drug operatives sa ginagawa nitong pagtutulak ng droga sa lugar kung saan marami umanong parukyano ito galing sa iba’t- ibang bayan sa Laguna.
Ayon kay Corporal Raymark Basco, officer- on- case, isang buy bust operation ang kanilang isinagawa at agad na natiklo ang pulis nang tanggapin nito ang buy bust money mula sa nagpanggap na poseur buyer.
Nahaharap sa kasong paglabag sa R.A. 9165 ang tatlo o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.
ARMAN CAMBE