PULIS, 4 PA TUMBA KAY QUIEL

Bagyong Quiel

LIMA na ang iniulat na nasawi bunsod ng walang tigil na pag-­ulan sa hilagang ba­hagi ng Luzon kabilang dito ang  isang pulis at board member matapos matabunan ng lupa ang tinutuluyan nilang bahay sa Cabugao, Apayao, Huwebes ng gabi.

Sa report ng Regional Disaster Risk Reduction Unit ng Cordillera, nakitulog lang daw ang mga biktima matapos ang kanilang immersion sa lugar.

“Initially, they are engaging in barangay consultation and then inabot sila doon ng malakas na ulan. Nagpahinga sila sa isang bahay and then yung bahay nila was hit by landslide,” ayon sa regional director ng RDRRMC na si Albert Mogol.

“We already contacted the TOG 1 Air Force tactical operations group) para sa airlifting ng mga bangkay,” dag­dag ni Mogol kasunod ng impormasyon may dalawang lalaki ang itinakbo sa pagamutan nang mabagsakan ng pader sa Baguio City.

Patuloy na inoobserbahan sa Baguio Ge­neral Hospital and Medical Center ang dalawang construction workers na sina Neil John Patacsil, 25, tubong La Union; at si Glenn Velez Fontanos na nadaganan sa gumuhong retaining wall sa Bued River, Camp 7, Baguio City.

Ayon kay PCapt. Francisco Ben, station commander ng Baguio City Police Office Station 10, nagtatrabaho ang mga biktima nang gumuho ang retaining wall kaya’t nadaganan ang mga ito.

Habang umakyat na sa tatlo ang nasawi bunsod ng nararanasang pag-ulan at pagbaha sa maraming mga bayan sa Cagayan.

Sa ulat ng Cagayan Provincial Office, maliban sa tatlong nasawi ay mayroon pang dalawang nawawala.

Ayon sa Cagayan Provincial Disaster Risk Reduction Ma­nagement Office, nabaon nang buhay sa lupa si Augusto Antiagan, 39-anyos, nalunod naman ang sampung taong gulang na si  Elijhay Gallego habang may isang lalaki ang nakoryente.

“First time po nilang makaranas ng ganitong flooding sa northern Cagayan, grabe po talaga… Kahit sa national highway sa Allacapan, uma­bot po sa hanggang dibdib [ang baha],”  pahayag naman ni Cagayan Gov. Manuel Mamba.

Aabot sa 4,720 na pamilya ang naapektuhan o katumbas ng 16,383 na indibidwal sa 11 munisipalidad sa Cagayan.

Sa ngayon nasa 7,234 na pamilya ang nananatili sa mga evacuation centers sa 61 mga barangay.

Bago pa man pumasok sa bansa nag bagyong Quiel ay inuulan na ang mara­ming bayan sa Cagayan dahil sa Amihan at tail end ng cold front, anang PAGASA.

Napanatili ng Severe Tropical Storm Quiel ang lakas nito habang kumikilos nang mabagal sa direksyong Kanluran, Timog-Kanluran.

Ayon kay weather forecaster Ezra Bulque­rin, posibleng lumakas pa ang bagyo sa loob ng 24 oras at lumabas ito sa area of responsibility ng Filipinas, Sabado ng umaga. VERLIN RUIZ/IRENE GONZALES

Comments are closed.