PULIS ARESTADO SA COMELEC GUN BAN

QUEZON PROVINCE-ARESTADO ang isang aktibong pulis ng kanyang mga kabaro matapos itong ireklamo ng mga residente ng Barangay Sto Cristo bayan ng Sariaya.

Kinilala ni Lt.Col. William Angway, hepe ng Sariaya PNP ang dinakip na si Patrolman Mark James Toledo Nidea, 32-anyos, residente ng Number 14 Salvador St. Brgy. Krus na Ligtas,Quezon City, at kasalukuyang nakadestino sa QCPD Station 15 sa Quezon City.

Base sa report ng Sariaya PNP, isang tawag sa cellphone ang kanilang natanggap mula sa isang Juanito Delos Reyes, empleyado ng Gayeta Funeral Homes na mayroong isang lalaki na nakasibilyan ang kahina-hinala ang ikinikilos sa kanilang lugar.

Agad naman nag-utos si Angway na respondehan at puntahan ang nasabing lugar sa kanyang mga tauhan dahil na rin sa reklamo ng residente.

Nagresulta naman ito ng pagkakadakip sa pulis ng kanyang mga kabaro at nakumpiska ito ng isang caliber 40mm pistol taurus kasama ang dalawang magazine na parehong kargado ng mga bala.

Hinanapan ng mga pulis ng kaukulang dokumento na magpapatunay na may COMELEC exemption gun ban na nagbibigay ng karapatan na puwedeng magbitbit o magdala ng baril kahit hindi na on duty subalit, nabigo ito maipakita ng suspek na pulis kung kaya siya ay hinuli at ikinulong.

Depensa naman ni Nidea, naroon siya sa lugar dahil residente at taga roon ang kanyang asawa.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng Sariaya PNP si Nidea at sinampahan na ito ng kasong paglabag sa Comelec gun ban na umiiral ngayong nalalapit na eleksyon. BONG RIVERA