ZAMBOANGA DEL SUR- HINDI na umabot pa ng buhay sa pagamutan ang isang opisyal ng pulis matapos atakihin sa puso habang nagmamaneho ng kanyang sasakyan at bumangga ito sa poste sa bayan ng Labangan.
Batay sa report ng pulisya ang biktima ay kinilalang si Lt. Rymer Aries Pernito, 52-anyos at nakatalaga sa Zamboanga del Sur Provincial Police Office, Pagadian City.
Sa ulat ng Labangan Municipal Police Station, naganap ang insidente nitong umaga ng Linggo sa kalsadang sakop ng Purok Bagong Silang, Barangay Lower Pulacan ng naturang bayan.
Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, minamaneho ng biktima ang kanyang Isuzu pick-up truck na may plakang JAN-4600 at binabaybay ang naturang lugar.
Bigla na lamang nawalan ng kontrol sa manibela ang biktima nang sumakit ang dibdib nito dahilan para bumangga sa poste.
Mabilis naman rumesponde ang mga awtoridad sa lugar ng pinangyarihan ng insidente at dinala sa Manupac Hospital sa Barangay New Labangan ang biktima subalit idineklara na rin itong patay ng attending physician ng naturang pagamutan dahil sa cardiac arrest o atake sa puso.
EVELYN GARCIA