ARESTADO ang isang traffic police investigator kasama ang apat na kasabwat nito sa ikinasang entrapment operation kahapon ng madaling araw sa bahagi ng Nicanor Garcia St., Brgy. Poblacion, Makati City dahil sa umano’y robbery hold-up.
Iniharap ni Makati City Police Chief Sr. Supt. Rogelio Simon ang mga suspek na sina PO2 Jaycee Abana, 28-anyos, binata, isang traffic investigator na nakatalaga sa Vehicular Traffic Investigation Unit (VTIU) ng Makati at mga kasabwat nitong magkakapatid na sina Mohalem, 28-anyos; Muhamad, 34-anyos; Mohalil Macapundag, 30-anyos, pawang residente ng #39 Joseph St., Interior Brgy. Holy Spirit, Quezon City at Wenceslao Sevellejo, 44, nakatira sa #86 Norte Ma. Socorro, Marilao, Bulacan.
Kinilala naman ang mga biktimang sina Changbo Fang, 22-anyos, binata at ang kasama nitong si Fang Zhang Bao, kapuwa Chinese national at nanunuluyan sa Yakal St., Brgy. San Antonio Village, Makati City.
Nag-ugat ang naturang operasyon bunsod sa reklamo ng isang Tony Yu, Livian Bao at Jennifer Zarcilla kung saan inihayag ng mga ito na ang kanilang kaibigan na Chinese ay nasa kustodiya ng limang hindi nakikilang kalalakihan sa loob ng isang sasakyan sa Nicanor St., Brgy. Poblacion, Makati City.
Ayon pa sa report, pinatutubos ang mga biktima ng halagang P1 milyon dahilan upang magkasa ng entrapment operation ang mga kagawad ng Makati City Police laban sa mga suspek.
Nang magpositibo, ala-1:30 ng madaling araw nang arestuhin ng mga kagawad ng Makati City Police si PO2 Abana, kasama ang apat na kasabwat nito sa kahabaan ng Nicanor Garcia St., Brgy. Poblacion ng naturang lungsod.
Sa salaysay ng isa sa biktimang si Fang sa mga pulis, nakasakay sila ng kanyang kasama sa isang Lexus IS 300 Sedan na may plakang ND-707 at habang binabagtas nila ang panulukan ng Nicanor Garcia at Metropolitan Sts. ng nabanggit na barangay nang harangin at patigilin sila ng isang kulay puting Mitsubishi Montero na may conduction sticker NM5626 na sakay ang mga suspek.
Kung saan inutusan ang mga biktima na iparada muna nila ang kanilang sinasakyan sa harapan ng Jazz Mall at tinutukan ng baril ni PO2 Abana ang mga biktima at kinuha nito ang wallet ni Fang at ang pera ni Bao.
At dito na kinidnap ng mga suspek ang dalawang biktima at sinabihan silang tawagan ang kanilang kaanak at mag-produce ng halagang P1 million bilang ransom at kapag hindi ito naibigay ay papatayin sila.
Sa ikinasang operasyon, nadakip ang mga suspek ng mga kagawad ng Makati City Police at sinampahan ng mga kasong Kidnapping at Robbery.
Na-recover ng mga pulis ang service fire ni PO2 Abana (Glock), P80,000.00 ransom money, P8,000.00 na personal money ng mga biktima at Montero SUV na gamit na sasakyan ng mga suspek. MARIVIC FERNANDEZ /PILIPINO Mirror
Comments are closed.