PULIS NA BUMARIL SA KABARO, NAGBARIL DIN SA SARILI

ILOCOS SUR- AGAD na binawian ng buhay ang isang pulis matapos barilin ng kapwa niya pulis sa loob ng police station sa Narvacan kahapon ng umaga sa lalawigang ito.

Sa paunang report ng Narvacan Municipal Police Station, nakilala ang biktima na si Cpl. Jeric Ace Garcillan Abaoag, 29-anyos, police investigator mula sa Barangay San Antonio, Narvacan, Ilocos Sur na binaril sa ulo at katawan na siyang ikinamatay nito.

Ang itinuturong suspek ay si Pat. Joe Orden Mendoza, 27-anyos ng Balaoan, La Union na nagbaril sin sa sarili matapos na mapatay ang biktima.

Nabatid sa isinagawang pagsisiyasat ng Narvacan Police Station, naganap ang pamamaril dakong alas-7:30 ng umaga sa ikatlong palapag ng station building.

Nakarinig ng tatlong putok ang mga pulis mula sa 3rd floor na agad nilang nirespodehan at inabutan na kapwa nakahandusay at naliligo sa dugo sina Abaoag at Mendoza.

Lumilitaw sa imbestigasyon na unang binaril ni Mendoza si Abaoag at saka nagbaril sa sarili dahilan ang baril ng biktima ay nasa holster pa nito habang hawak ng suspek ang kanyang baril at duguan.

Napag-alaman sa ibang pulis na kapansin pansin ang pagiging balisa ni Mendoza noong nakalipas na gabi at wala naman silang alam na may alitan ang dalawa. EVELYN GARCIA