KINILALA ni Philippine National Police (PNP) Chief PGen. Dionardo Carlos ang taglay na maximum tolerance ng isang pulis na matapos sampalin at tadyakan ng isang babaeng pinagbawalang pumasok sa mall sa Santiago City, Isabela.
Ang naturang pulis na nakunan ng video na kumalat sa social media ay kinilalang si Patrolman John Paul Sudario, ng Traffic Enforcement Unit of the Santiago City Police Office.
Ayon sa PNP Chief, ipinakita ni Patrolman Sudario na siya ay isang tunay na “gentleman” at nanatiling diplomatiko sa kabila ng pananakit at pagsigaw sa kanya ng babae na Kinilala Lang ng Santiago City Police sa pangalang alyas “Jeannie”.
Sinabi ni Carlos na sa kabila ng nakita sa video, patuloy na iniimbestigahan ng PNP ang insidente para makuha ang lahat ng panig ng storya.
Ayon sa mall management, pinalabas ang babae sa isang celfone shop matapos na manggulo ito, at sumama naman ng maayos sa mall security at pulis palabas ng mall.
Pero nagwala uli ito nang pagbawalang pumasok uli sa mall, at dito na pinagsasampal at sinigawan si patrolman Sudario.
Sinabi naman ni Sudario na Wala na siyang balak na Sampahan ng kaso ang suspek dahil bahagi Lang aniya ng kanyang trabaho ang humarap sa mga tensyonadong situasyon. EC