PULIS NA KASABWAT NI GUO SA PAGTAKAS MANANAGOT

TINIYAK ng Philippine National Police (PNP) na may mabigat na kaparusahan ang sinumang tauhan nila na naging kasangkapan sa pagtakas ni dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.

Ayon kay PNP Public Information Office Chief Col. Jean Fajardo, nagpapatuloy ang kanilang imbestigasyon kung paano nakalabas si Guo at dalawa nitong kasama na sina Shiela Guo, umano’y kapatid nito at Cassandra Li Ong na nobya ni Wesley Guo.

Aniya, sakaling napatunayang mayroong pulis na umalalay kay Guo para makapuslit ng bansa ay hindi nila ito ipagwawalang bahala at tiniyak na mayroon ka­rampatang parusa subalit idaraan sa tamang pro­seso.

Magugunitang inihayag ni Shiela Guo sa Senado, sila ay nakaalis ng bansa sa pamamagitan ng pagsakay sa van at maliit ng bangka  hanggang makarating sa Malaysia.

Nitong Agosto 22 nang maaresto sa Indonesia sina Shiela at Cassandra habang nitong Martes ng gabi ay naaresto rin si Alice Guo.

Sa pagbabalik naman ni Alice Guo sa bansa ay inaasahang maituturo nito kung sino-sino ang tumulong sa kanya.

EUNICE CELARIO