(Pulis na magpapaputok ng baril) ‘NO MERCY POLICY’ IPATUTUPAD NG PNP

NO MERCY!

Ito ang babala ni Philippine National Police chief General Rodolfo Azurin Jr. sa mga pasaway na pulis na mapapatunayang nagpaputok ng baril ngayon kapaskuhan at sa pagsalubong ng bagong taon.

Iginiit ni Azurin, bukod sa mga pulis na nagkasala ay garantisadong papanagutin din sa ilalim ng batas ang kanilang immediate superior kaya inatasan niya ang mga ito na bantayan ang kanilang mga tauhan.

Gayunpaman, tiwala si Azurin na hindi aabusihin ng mga pulis ang paggamit ng kanilang service firearms ngayong yuletide season kaya wala itong planong selyuhan ang kanilang mga baril.

Salungat sa mga nakagawian, hindi magpapatupad ang PNP nang paglalagay ng masking tape o selyo sa muzzle ng mga baril ng pulis sa pagsalubong ng Bagong taon.

Kasunod nito, pinaalalahanan ng PNP chief ang lahat ng unit commanders na bantayang mabuti ang kaso ng indiscriminate firing sa kanilang nasasakupan.

At kung sakaling may pasaway na lalabag dito, paiiralin ng PNP ang “No Mercy Policy.”
VERLIN RUIZ