PULIS NA NAG-VIRAL SA ROAD RAGE ‘SINIBAK’

PANSAMANTALANG inalis sa kanyang puwesto ang tauhan ng Philippine National Police – Civil Security Group (PNP-CSG) na nag-viral sa social media makaraang masangkot sa road rage sa Valenzuela City.

Ito ang kinumpirma ni PNP CSG Spokesperson Lt. Col. Eudisan Guiltiano at sinabing nagsasagawa na sila ng imbestigasyon kaugnay sa road rage incident sa nasabing lungsod nitong September 30 na kinasangkutan ng kanilang tauhan  na nakatalaga sa kanilang satellite office sa Fairview, Quezon City.

Paglilinaw naman ni Gultiano na layun ng pagtanggal au upang bigyan-daan ang imbestigasyon.

Bataw sa paliwanag ng pulis na may ranggong staff sergeant, nabangga umano ng truck ang kanyang sasakyan.

Subalit sa halip na huminto ay kumaripas aniya ito ng takbo at nagtangkang tumakas kaya kanya itong hinabol sa Mindanao Toll Plaza kung saan tinutukan niya ng baril ang driver para arestuhin.

Pagbaba sa truck agad niya itong pinadapa at saka ipinosas bago dalhin sa sub-station ng Valenzuela Police subalit nagkaayos din sila at hindi naghain ng reklamo sa isa’t isa.

Kasama sa iimbestigahan ng CSG ay kung nasunod ba ng pulis ang police operational procedure sa ginawang pag aresto sa truck driver.

Tiniyak ng PNP CSG na hindi nila kukunsintihin ang maling aksyon ng kanilang mga tauhan  at kung mapatutunayan na gumamit ng excessive force ang pulis, maaari itong maharap sa kasong administratibo na misconduct.

EUNICE CELARIO