PULIS NA NAGMAMANDO NG CHECKPOINT PATAY SA SUV, 1 PA SUGATAN

CAVITE – PATAY ang isang pulis nang sagasaan ng SUV habang nagmamandao ng checkpoint sa Aguinaldo Highway, Barangay Tubuan 2 sa bayan ng Silang.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya at alinsunod sa kuha ng CCTV, makikita ang insidente kung saan dumaan ang SUV at sinalpok at kinaladkad si Patrolman John Carl Austria Delyola, na miyembro ng 401st A Maneuver Company ng Regional Mobile Force Batallion 4A.

Makikita ring huminto ang nakasagasang SUV habang nakahandusay na sa harapan nito si Pat Delyola, sugatan rin ang isa pang pulis na si PCpl Adriene Atienza, pero nagawa pa nitong maunang makalapit sa kasamang biktima, kapwa sila itinakbo sa ospital.

Arestado ang driver ng SUV na si alyas Bernardo, 22-anyos, na nagpositibo sa alcohol breath test at nahaharap ngayon sa patong-patong na kaso ng Reckless Imprudence resulting to Homicide, Physical Injuries, damage to property at paglabag sa RA 10586 (Anti Drunk and Drugged Driving Act).

Ayon kay Silang MPS COP PLtCol Louie Gonzaga, noong 2021 ay nasangkot sa kaparehong kaso ang nasabing driver.

Dagdag pa ng opisyal, dahil sa pangyayaring namatay ang pulis na binangga nito, posibleng makulong ito ng 10 hanggang 20 taon, at pagbabayarin pa ng korte sa danyos sa pamilya ng biktima.
SID SAMANIEGO