PULIS NA NAKAPATAY NG BATA PINASISIBAK NA SA SERBISYO

RIZAL- TULUYAN nang inirekomenda ng Philippine National Police-Internal Affairs Service (PNP-IAS) na sibakin na sa serbisyo sa serbisyo ang pulis na sangkot sa pagkamatay ng isang menor de edad sa Rodriguez ng nasabing lalawigan.

Inihayag ni IAS Inspector General Atty. Alfegar Triambulo, naisumite na nang kanilang tanggapan sa Police Regional Office 4-A ang rekomendasyon na sibakin sa serbisyo si Corporal Arnulfo Sabillo.

Lumilitaw sa isinagawang imbestigasyon kaugnay sa nakahain administrative case laban kay Sabillo na guilty ito sa 2 counts ng grave misconduct at conduct unbecoming of a police officer.

Si Sabillo ay itinuturong nakabaril at nakapatay sa biktimang si John Francis Ompad na aksidenteng lumabas ng bahay matapos na makarinig ng sunod sunod na putok.

Base sa paunang imbestigasyon, hinahabol ng nasabing pulis kasama ng kanyang kaibigang sibilyan na si Jeffrey Baguio ang kapatid ni Ompad na sakay ng motorsiklo na tumakas matapos sitahin ng dalawa na nagsasagawa umano ng checkpoint at saktong paglabas ng bahay ng biktima ay tinamaan ito sa tiyan nang magpaputok ang pulis na dahilan ng kanyang pagkamatay.

Samantala, maliban sa administratibong kaso, nahaharap din sa kasong homicide at frustrated homicide sina Sabillo at Baguio.
VERLIN RUIZ