IPINAG-UTOS na kahapon ni Philippine National Police (PNP) Chief, Police General Guillermo Lorenzo T Eleazar sa PNP- Internal Affairs Service na pasimulan na ang summary dismissal proceedings laban sa isang pulis na inireklamo ng kidnapping kasama ng isang nagpakilalang ahente ng National Bureau of Investigation sa Maynila.
Target ng summary dismissal si Patrolman Wilfredo Mindanao, ng PNP-Police Security Protection Group. Habang kinilala naman ang kasabwat nitong si Romeo Aday, na kasamang nadakip matapos nilang hulihin at iditine ang isang lalaki na nahulihan umano ng illegal drugs.
Si Aday,isang driver ay nagpakilalang ahente ng NBI sa kanilang biktima noong Biyernes sa ilalim ng Trece De Agosto Bridge sa Barangay 679 sa Paco.
Ayon kay Aday ang biktima ay kanilang inaaresto dahil sa pag-iingat ng shabu at kinulong nila ang biktima sa bahay ni Mindanao sa Paco,Manila at hinihingan ng P50,000 kapalit ng kanyang kalayaan.
Subalit, isang vendor na nakasaksi sa umano’y pagdukot sa biktima ang agad na nagsumbong sa Manila Police District’s Paz Police Community Precinct PS 5 na mabilis na kumilos para hanapin ang mga suspek at nakitang hawak nga nila ang biktima.
Nakuha ng mga rumepondeng pulis ang isang plastic sachet na naglalaman ng shabu at tatlong cellular phones.
“I commend the MPD for its quick action in arresting these suspects and the rescue of the victim,” ani Gen Eleazar kasabay ng utos na masusing imbestigahan ang mga suspek dahil posibleng matagal na nilang modus ito.
“Apart from the filing of criminal complaints of serious illegal detention and usurpation of authority in the Manila Prosecutor’s Office against the suspects, I have instructed the IAS to initiate summary dismissal proceedings against Mindanao,”ang PNP chief.
“We cannot allow these few rogues in the service to destroy the public’s confidence on the PNP now that we have made strides in regaining our kababayan’s trust. I am warning those policemen who will continue to undermine our mandate and erode the institution, you will be caught and made to face the consequences of your wrongful actions,”dagdag pa nito. VERLIN RUIZ