PATULOY na ginagamot ngayon sa PNP General Hospital ang isang pulis matapos na aksidente nitong mabaril ang kanyang sarili habang nasa loob ng sasakyan sa First Level, Multi-purpose Parking, Camp Crame, Quezon City.
Sa ulat ng Quezon City Police District, kinilala ang biktima na si SMS Clifford Ventura nakatalaga sa Police Security Protection Group (PSPG), Camp Crame sa Quezon City.
Sa inisyal na ulat ng PNP, nangyari ang insidente dakong alas-10:15 ng umaga kahapon.
Nabatid na nakaupo raw sa passenger side ang biktima sakay ng Honda Civic na may plate number UKR -697 na minamaneho ni Chief Master Sergeant Dennis Venus na nakatalaga sa PNP-AKG nang mangyari ang insidente.
Ayon kay Venus, nakalagay sa bag ang baril ng biktima na habang may hinahanap raw ito sa kanyang bag ay bigla itong pumutok.
Tinamaan ito sa kanyang kaliwang dibdib na agad naisugod sa Emergency room ng PNP General Hospital. REA SARMIENTO