PULIS NAGPAPUTOK NG BARIL KALABOSO

lucena

QUEZON-KULONG ang isang aktibong pulis matapos itong arestuhin ng mga miyembro ng Lucena PNP dahil sa walang habas na pagpapautok nitong Linggo ng gabi sa may Purok Spillway Brgy.Talao-Talao Lucena City.

Kinilala ni Lt Col Ruben Ballera, hepe ng pulisya ang suspek na si MSg Roderick Padagas Tagura, 43- anyos, nakatalaga sa Magdalena Police Station at kasalukuyang sumasailalim sa FTP ng Police Regional Office 4 (PRO4) Camp Vicente Lim na nakabase sa Canlubang, Laguna.

Base sa reklamo ng mga biktima na sina Jessica Penes Cabamalan, 36- anyos; Manipol Dybielyn Melencio,36-anyos; Kate Angeline Manipol Camposagrado, 20-anyos at Christel Almirañez Melencio, 34- anyos na pawang residente ng nabanggit na barangay na biglang tumigil ang sasakyan ng pulis sa harapan ng kanilang gate ng bahay at bumaba ito na sumisigaw sabay ng pagpapaputok ng kanyang service firearm.

Ayon pa sa ginang na si Jessica Penes hindi pa nakuntento umano si Tagura kinuha pa umano nito ang kanyang mahabang baril sabay itinutok sa kanila.

Mabilis namang nakatawag ng pulis ang kaanak ng mga biktima at agad na naresponde ng SWAT Team na nagresulta ng pagkakaaresto sa nagwawalang pulis.

Samantala mariin namang kinondena nila Quezon Provicial Director Col Ledon Monte at Ballera ang ginawa ni Tagura kung saan hindi nila papalagpasin at kukunsintihin ang ganitong gawain ng isang pulis at kahit sino pa mang pulis sa lugar na kanilang nasasakupan ay hindi nila sisinuhin at agad nilang aaksyunan.

Dagdag pa ng opisyal ang ginawa nilang aksyon at paghuli sa abusadong pulis ay bahagi ng Internal Cleansing na mahigpit na ipinatutupad ng pamunuan ng pambansang pulisya sa mga tiwaling pulis

Kasalukuyang nakakulong sa Lucena PNP si Tagura at inihahanda na ang mga patung patong na kaso laban sa kanya. BONG RIVERA