PULIS NAMARIL: 1 PATAY 1 SUGATAN

NUEVA VIZCAYA – ISA ang patay habang nasa malubhang kalagayan ang isa pa matapos na pagbabarilin ng isang pulis sa loob ng KTV Bar sa Brgy. Malasin, Dupax del Norte.

Batay sa ulat ng Dupax del Norte PNP,  ang naturang pulis ay may ranggong Senior Master Sergeant, 44- anyos at radio operator ng Nueva Vizcaya Police Provincial Office (NVPPO) na kasalukuyang nasa kustodiya  ng Dupax del Norte PNP matapos ang pamamaril sa dalawang lalaki sa isang KTV bar.

Sa ipinarating na ulat ni Maj.Nova Lyn Aggasid, Public Information Officer ng NVPPO kay Provincial Director PCol. Jecthopher Haloc, nasa bar na ang suspek bago duma­ting ang mga biktima kung saan nakatulog ang ito dahil  umano sa sob­rang kalasingan kaya’t ginising ito ng may-ari at umalis.

Subalit, bumalik ang suspek at namaril kung saan napatay ang 30-anyos na dating SK Chairman ng Mabasa, Dupax del Norte na tinamaan sa kanyang ulo habang sugatan ang 25-anyos na kasama nito matapos tamaan sa tiyan at nga­yon ay nagpapagaling na sa ospital.

Agad umalis ang pulis matapos ang insidente sakay ng kanyang motorsiklo at sa paghahanap dito, nakita ng mga pulis nakatulog ito sa isang waiting shed sa Brgy. Bitnong sa natu­rang bayan.

Agad inaresto ang pulis at limang basyo ng bala ng baril ang narekober ng mga awtoridad sa lugar ng insidente.

Agad naman nagbigay ng kautusan si Col. Haloc sa mga chief of police sa lalawigan na i-account ang kanilang personnel para malaman kung saan ito nakadestino.

Personal din nitong binisita ang pulis at ina­min na dala lamang ng kalasingan kaya nagawa niya ang pamamaril.

Ang suspek ay nakatakdang sampahan  ng kasong kriminal at administratibo.

EVELYN GARCIA