CAVITE – NALALAGAY sa balag ng pagkasibak sa tungkulin at makulong ang 38-anyos na pulis na may ranggong master sergeant makaraang mag-amok at mamaril ng person with disability (PWD) sa bahagi ng Regina Ville 2000 Subd., Barangay Inocencio, Trece Martirez City, noong Linggo ng gabi.
Naka-confine sa General Emilio Aguinaldo Memorial Hospital ang biktimang si Hermes “Metmet/Pipi” Guevarra y Estrella, 36, ng Block 7 Lot 42 Phase 1.
Kulong naman si PMSg Paulo Gagua y Openio, nakatalaga sa Trece Martirez City Police Station at nakatira sa nabanggit na subdivision.
Base sa ulat ni PSSg Rene Bibon na naisumite sa Camp Pantaleon Garcia, naglalaro ng volleyball ang biktima at kaibigang si Dexter Dimaranan nang lapitan at komprontahin ng suspek na umano’y nakainom at may hawak na baril.
Gayunman, tinangkang umiwas ng dalawa laban sa pulis subalit sinuntok sila sa likuran habang papaalis.
Ayon pa sa police report, bandang alas-6:30 ng gabi ay tinungo ng suspek ang bahay ng biktima kung saan kinompronta nito ang tatay na si Jessie Guevarra hanggang sa mauwi sa pananampal sa matanda.
Dito na kinaladkad ng suspek ang biktima patungo sa creek side kung saan pinutukan ng ilang ulit sa tiyan ang PWD.
Sa follow-up operation ay nasakote naman ang pulis kung saan ay sasampahan ng kasong kriminal at posibleng masibak sa pagiging pulis at makulong. MHAR BASCO
Comments are closed.