LEYTE- IPINAG UTOS ng pamunuan ng Philippine Army at Philippine National Police na huwag lubayan ang pagtugis sa grupo ng communist New Peoples Army na nasa likod ng pananambang na ikinamatay ng isang pulis na nagsasagawa ng humanitarian mission sa Gandara, Samar nitong Sabado.
Sa ulat ng PNP, isang pulis mula sa 8th Police Regional Office ang napatay sa naganap na engkuwentro laban sa mga hinihinalang miyembro ng New People’s Army (NPA) sa boundary ng Brgy. San Nicolas, San Jose de Buan at Brgy. Mabuhay pasado alas-9 ng umaga.
Ayon sa PNP Eastern Visayas, kinilala ang biktima na si Patrolman Mark Monge, kasapi ng 804th Maneuver Company, Regional Mobile Force Battalion 8.
Kasalukuyan umanong nagsasagawa ng humanitarian activity sa lugar ang mga pulis nang bigla silang paputukan ng may 10 mga hinihinalang NPA.
Umabot ng limang minuto ang engkwentro bago nagpasya ang mga communist terrorist na umatras para hindi abutan ng reinforcement ng military at local police.
Kinondena rin ni Police Regional Office-8 (PRO-8) Regional Police Director BGen. Bernard Banac ang isinagawang pag-atake ng CPP armed wing sa hanay ng 804th Maneuver Company, Regional Mobile Force Battalion-8 at 2nd Eastern Samar Provincial Mobile Force Company sa pangunguna ni Lt. Mark Mohn Amistoso.
Ayon kay Banac, magkasabay na nagsasagawa ng humanitarian mission ang mga tauhan ng PNP at isang police operation sa paligid ng mga nabanggit na bayan nang bigla silang pinaputukan ng mga komunista. VERLIN RUIZ