BASILAN- IDINEKLARANG dead on arrival sa pagamutan ang isang pulis habang tumutugon sa isang checkpoint operation matapos na pagbabarilin ng mga armadong lalaki sa Barangay Colonia, Lamitan City sa lalawigang ito.
Batay sa report ng pulisya, ang biktima ay kinilalang si Patrolman Khalid Sali Ahmad, nakatalaga sa Police Community Relations (PCR) ng 1st Basilan Provincial Mobile Force Company (BPMFC).
Sa isinagawang pagsisiyasat ng mga awtoridad , kasalukuyang kumukuha ang biktima ng mga larawan ng nagpapatuloy na checkpoint nang barilin ito ng mga gunman na sakay ng motorsiklo.
“It was part of his duty to document the police activities. It was very unfortunate that while he was performing his duty, two unidentified men on a motorbike passed the checkpoint, and then suddenly made a U-turn. When Ahmad tried to stop them, the back rider shot him in the face, hitting his left eye, the bullet exited at the back of his head,” ayon kay Col. Arlan Delumpines, City Police Director ng Lamitan City.
Gumanti pa ng putok ang mga pulis laban sa mga umatake kay Ahmad ngunit nagawa pa ring makatakas ng dalawang suspek.
Agad na isinugod sa pagamutan ang biktima ngunit idineklara na itong dead on arrival pagdating sa Lamitan District Hospital.
Ang pag-atake ang pinakabago sa serye ng mga harassment laban sa security forces at ito ang unang pagkakataon na pulis ang biktima.
Patuloy naman ang isinasagawang pagsisiyasat ng mga awtoridad at pagkuha ng mga impormasyon para sa agarang ikadarakip sa mga suspek. EVELYN GARCIA