CAVITE- NAHAHARAP sa kasong kriminal at administratibo ang isang pulis makaraang ireklamo ng isang kolehiyala sa Prosecutor’s office ng sexual harassment habang sumasailalim sa isang training sa lalawigang ito.
Ang suspek na kinasuhan ng paglabag sa R.A 7877( Anti- Sexual Harassment Act of 1195) sa Cavite Prosecutors Office at Administratibo sa Pre- evaluation Charge Unit ay kinilalang si Chief MSgt. Romar Sinnung, nakatalaga sa police station ng Bacoor City.
Ang biktima na itinago sa pangalang “Rose”, 23 anyos, residente ng Barangay Mambog 4, Bacoor at graduating student sa kolehiyo ay nasa education training ng pulis sa nasabing lungsod.
Sa pahayag ni Lt.Col. Christopher Olazo, Cavite police director, ang suspek ay agarang sinibak sa kanyang puwesto at pinag-report sa Cavite Police headquarter kung saan isinailalim ito sa AWOL status.
Naganap ang pang- aabuso ng pulis sa biktima noong Oktubre 11at 13, Nobyembre 8 at 9 dakong alas-8 ng umaga sa BGC compound, Bacoor city police station.
Sa salaysay ng biktima, sinabi nito na siya ay sekswal na inabuso at hinarass habang nasa training sa nasabing compound.
Idinagdag pa ng kolehiyala na inalok din umano siya ng pulis ng isang kondisyon kapalit ng personal nitong pagkagusto sa kanya. ARMAN CAMBE