HINDI na kailangang sumailalim pa sa drug test, psychological at psychiatric examinations ng mga pulis at sundalo na kukuha ng License to Own and Possess Firearms (LTOPF).
Ito ang atas ni Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Rommel Francisco Marbil, subalit nilinaw na dapat ay aktibong miyembro ng PNP at Armed Forces of the Philippines (AFP) para makalibre sa nasabing testing.
Aniya, ipinatupad ang pagbabago sa aplikasyon sa lisensya sa mga baril dahil trained o sanay naman na ang mga pulis at sundalo sa paghawak ng baril.
Paliwanag nito, sapat na ang drug test at psychological examinations ng mga myembro ng PNP at AFP sa kanilang serbisyo bilang requirements para sa LTOPF.
Sa bisa ng memorandum, government issued identification cards na lamang ang kailangang iprisinta ng mga pulis at sundalo para sa processing ng kanilang firearm license.
Samantala, ang civilian gun holders naman ay required pa rin na sumailalim sa drug testing at neuro-psychiatric evaluation para makakuha at makapag-renew ng lisensya.
Nilinaw naman ni Civil Security Group Spokesperson Lt. Col. Eudisan Gultiano na hindi sakop sa bagong kautusan ang iba pang law enforcerment agencies tulad ng National Bureau of Investigation (NBI), Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Philippine Coast Guard (PCG).
EUNICE CELARIO