CAGAYAN- NASAWI ang isang pulis matapos nitong iligtas mula sa pagkalunod ang dalawang bata sa ilog ng Pamplona sa lalawigang ito.
Ayon sa Police Regional Office 2, kinilala ang tinaguriang bayaning pulis na si Cpl Mark Edhyson Arinabo, 32-anyos, tubong Capalalian, Pamplona na nakatalaga sa PCP 3 Makati Police Station, National Capital Region Police Office.
Napag-alaman na naka-official leave si Arinabo kung saan nagpunta ito sa ilog kasama ang kanyang pamilya nitong Biyernes, Mayo 26 upang mag-picnic.
Napansin umano nito ang dalawang bata na nasa gitna ng ilog na nagpapasaklolo dahilan upang agad na saklolohan ni Arinabo ang mga ito.
Kapwa nailigtas nito ang dalawang bata ngunit sa kasawiang palad ay natangay ng malakas na pagragasa ng tubig ang pulis.
Umabot ng halos 20-minuto ang pagkalubog ni Arinabo bago narekober ng Pamplona Police Station katuwang ang MDRRMO ang katawan nito na agad namang dinala sa pagamutan ngunit idineklarang dead on arrival ng doktor.
Naulila ni Arinabo ang kanyang dalawang anak na nasa pito at dalawang taong gulang pa lamang.
Bagaman nagdadalamhati ang buong pamilya ni Arinabo ay hinangaan pa rin ang kanyang katapangan at kabayanihang ipinamalas. IRENE GONZALES