PULIS TODAS SA PAMAMARIL

LAGUNA – Inambus at napatay ng hindi pa nakikilalang riding in tandem suspects ang isang pulis habang lulan ito sa kanyang minamanehong motorsiklo sa bahagi ng Yulo Road, Bgy. Pittland, lungsod ng Cabuyao kahapon ng umaga.

Batay sa inisyal na ulat ni PLt. Col. Gilmore Wasin, hepe ng pulisya, kinilala ang biktimang si Police Officer Christian Ramos y Hernandez, nakatalaga sa Regional Police Holding Accounting Unit (RPHAU) at residente ng Sitio Laguarta, Calaca, Batangas.

Nabatid na nauna nang nakasuhan ng Absent Without Leave (AWOL) ang biktima kung saan muli itong napabalik sa serbisyo.

Sa imbestigasyon, dakong alas-9:40 ng umaga kahapon nang maganap ang insidente habang patungo sa Bgy. Casile ang biktima lulan sa kanyang motorsiklo na kulay itim na Honda Click na walang plaka nang harangin ng mga suspek at malapitan itong pinagbabaril hanggang sa bumulagta sa kalsada.

Agad na binawian ng buhay ang biktima bunsod ng tinamong tama ng bala sa kanyang ulo at katawan mula sa kalibre 45 at 9mm na kalibre na baril na ginamit ng mga suspek na mabilis na tumakas matapos ang pamamaril.

Sinabi ni Wasin na magsasagawa na sila ng malalimang imbestigasyon sa kaso kung may kaugnayan ito sa personal na gawain ng biktima kabilang ang paglalatag ng mga ito ng manhunt operation para sa pagkakakilanlan at agarang ikadarakip sa tumakas na mga suspek. DICK GARAY

Comments are closed.