ILOILO – DEAD on arrival sa pagamutan ang isang pulis matapos umanong saksakin ng obrerong karibal sa babae na nililigawan nila sa bayan ng Oton sa lalawigang ito.
Batay sa report ng pulisya, ang biktima ay kinilala si Staff Sgt. Erwin Calubayan at nakatalaga sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG)-Region 6.
Base sa imbestigasyon, nag-iinuman ang biktima at suspek na nakilalang si Dan Garferio, construction worker sa sari-sari store ni Donna Rose Gang nang magkaroon ng mainitang pagtatalo sa pagitan ng dalawa.
Nagtungo si Calubayan sa bahay ni Gang upang sabihin ditong uuwi na siya.
Subalit, sinundan siya ng suspek at pinagsasaksak gumanti naman ang biktima at binunot nito ang kanyang service firearm at binaril ang suspek sa tiyan.
Dinala ang biktima sa Western Visayas Medical Center sa Iloilo City kung saan siya idineklarang patay.
Habang ang suspek ay patuloy na nilalapatan ng lunas.
Sinisilip ng mga pulis na selos ang motibo sa pagpaslang dahil sa kapwa umano nililigawan ng biktima at suspek si Gang.
EVELYN GARCIA