PULOS KABIG, WALANG TULAK

ANG  katagang ito ay isang asal ng tao na oportunista. Gagawin ang lahat upang hindi maglabas ng pera o tulong bagkus ay nais lamang na makakuha o magkamal ng pera, materyal na bagay o pabor na walang kaukulang kapalit.

Tulad ng pagbabayad ng buwis sa ating gobyerno, hindi maaaring nakikinabang ka sa mga serbisyo at programa ng gobyerno na hindi ka nagbabayad ng buwis. Tulad ng mga negosyante, kailangan ay magbayad sila ng kaukulang buwis sa kinikita nila sa kanilang negosyo. Pati ang empleyado sa pribado at pampublikong opisina ay nagbabayad din taon-taon ng buwis sa kanilang sinasahod buwan buwan.

Ang pribado at pampublikong serbisyo tulad ng tubig, koryente, transportasyon, telekomunikasyon at iba pa, ay magpapatuloy at magbibigay ng kalidad na serbisyo kapag nakakasingil sila sa sapat upang patakbuhin ang mga ito.

Kung magmamatigas tayo at hindi magbabayad ng wasto sa kanilang serbisyo, tiyak na hindi magkakaroon ng karampatang serbisyo sa atin.

Kaya sinabi ko ito dahil tila may kaunting gusot sa ating tollway operators dahil sa pagtaas ng kanilang singil. Ito ay bahagi ng kontrata at usapan mula sa ating mga tollway operators at Toll Regulatory Board (TRB). Ito ay upang ma-recover ang daang milyong piso ng pinuhunan sa pag aayos ng ating mga expressway. Alam at nararamdaman ng lahat na bumabaybay sa North Luzon Expressway o NLEX ang malaking improvement na nagbibigay ginhawa sa mga motorista at mabilis na pagdala ng mga produkto sa bahagi ng Luzon.

Isang buwan na ang nakaraan nang pinayagan ng TRB ang NLEX na magtaas ng kanilang singil. Sa totoo lang, ayon sa kontrata sa pagitan ng NLEX at ating gobyerno, dapat ay itinaas na ito noong 2012, 2014, 2018 at 2020. Subalit sa pag- unawa ng NLEX sa sitwasyon ng ating ekonomiya lalo na tinamaan tayo ng pandemya, minabuti na hindi sila nagtaas ng toll fee. Hindi biro ang gastos sa maintenance ng NLEX, isama na natin ang mga isinagawa nilang pagpapalawak ng nasabing kalsada upang makasabay sa mga dumaraming mga sasakyan sa ating bansa taon taon.

Tila naiintindihan naman ng karamihan ng mga motorista ang pagtaas ng singil. Sabi ko nga, marahil karamihan sa mga motorista ay naiintindihan ang dahilan ng pagtaas ng toll fee. Dagdag pa rito ay tila nararamdaman naman nila ang mga pagbubuti sa kahabaan ng NLEX.

Hindi rin naman nagkulang ang NLEX at TRB na ipaliwanag sa mga apektadong mga motorista na gumagamit ng NLEX. Ipinaliwanag nila na nararapat at napapanahon na ang pagtaas ng singil na nasasaayon sa kontrata at batas.

Ang balita ko nga ay hindi nagkulang ang NLEX at TRB na kausapin ang lahat ng kanilang mga stakeholders, kasama na rito ang mga LGU na dinadaanan ng NLEX. Kasama na aito ang mga komunidad, media at mga transport groups.

Sinisiguro rin ng NLEX sa mga mamamayan na gumagamit ng kanilang expressway na pagbubutihin pa nila ang kalidad ng kanilang serbisyo. Mamumuhunan pa sila ng mga karagdagang proyekto upang mapabuti at mapalawak ang mga koneksyon sa mga lalawigan ng hilagang Luzon.

Kaya naman ako ay nagtataka kung bakit may isang maliit na transport group na umalma sa pagtaas ng singil ng toll fee kung kailan maayos na ang implementasyon nito.

Ang Alliance of Concerned Truck Owners and Organizations (ACTOO), isang truck organization na kritikal sa gobyerno ng PBBM, ay umalma na hindi raw dapat pinayagan ng TRB ang nasabing toll rate adjustment. Sinasabi raw nila na hindi sila kinonsulta o nabigyan ng sapat na impormasyon sa nasabing pagtaas ng toll rate.

Subalit ayon sa TRB, binigyan nila ang ACTOO ng isang buwan upang magsampa ng kaukulang protesta at magpaliwanag kung bakit hindi nararapat payagan ang NLEX na magtaas ng singil sa toll fee. Ngunit wala raw isinumite ang ACTOO.

Kaya naman kataka-taka kung bakit ngayon lang sila nag-ngangawngaw at tila nananakot pa na gagawa sila ng aksyon at harangin ang mga ilang toll booths upang masira ang daloy ng trapiko sa NLEX at ang operasyon nito.

Makatarungan ba ito o makasarili?! Ano ang gusto nilang solusyon at pinayagan na ang NLEX ng TRB, isang buwan na ang nakaraan at daan libong mga motorista na ang nagbabayad sa bagong aprubadong toll rate?

Ahhhh…baka ang gusto ng ACTOO ay ma-libre sila. Hindi sila magbabayad. Ika nga ay exempted o may espesyal na trato sa kanila ang TRB at NLEX. Ganun?!

Teka, parang sakto ang paglalarawan ko sa ACTOO tungkol sa masamang asal na PURO KABIG, WALANG TULAK!