PULSO AT PAKIRAMDAM

SABONG NGAYON

PARE-PAREHAS na lamang pong manok ‘yan na kapag kapwa tinamaan ng tari sa kalinisan ay gagapang at gagapang pa rin ‘yan kaya magkakatalo na lamang sa pulso, pakiramdam at kung paano mo inalagaan.

“Ganyan po ang cock derby 3-5 years mo aalagaan ay hindi pa rin sigurado na mananalo kaya po hindi ako nagtatrabesiya/pusta sa manok ng iba kasi ‘yon nga po sarili kong manok na kay tagal-tagal kong inalagaan ay ‘di ako sigurado na tatamaan ko ay ‘di lalo na siguro kung di ko ka­kilalang manok,” ang sabi ni Doc Marvin Rocafort ng El Campeon Conditioning Camp.

“Ang aking mga manok ay itlog pa lang ay inaalagaan na, eh bakit hindi mo mapili ang siguradong mananalo, sila ay araw-araw mong nakikita at naghihiwalay lang kami sa ruweda sa oras na siya ay aking bitawan para makipagpatayan,” dagdag pa niya.

Aniya, dalawang bagay ang malakas magpatamad sa pagmamanok: kapag ikaw ay nanakawan at natalo ang iyong alagang manok na siya nating dapat malagpasan.

“Hindi baleng matalo ang ating manok basta ginawa mo na ang lahat at kursunada mo naman, importante ay palagi kang lumalaban para may pag-asang manalo at ang pag­tsa-champion ay bonus na lamang!” diin pa niya.

Ayon pa sa kanya, ang pagmamanok ay punom-puno ng drama at action lalo na kung talo ang iyong manok.

“Ewan ko kung hindi ka pawisan, maiyak at maalala ang mga may sabit sa’yo, etc. I always give emphasis on indoor and outdoor facilities para umulan at umaraw ay iwas-disgrasya. All weather po dapat. Sa panahon pong bumabagyo ay isa po sa pinagdaraanan natin at ng ating mga manok kaya dapat ay mayroon  tayong sapat na paglalagyan nila kasi kakayanin po ng manok ang kahit gaano kalakas na ulan huwag lamang may kasamang malakas na hangin,” sabi pa  ni Doc Marvin.

‘Yung manok, aniya, na sakitin simula pagkasisiw ay sentensiyahan na agad o huwag nang buhayin pa dahil ‘yung hindi nga nakaranas magka-sakit ay iniinda ‘yung sugat, eh ‘di lalo na kung dumaan sa sakit.

“Kung gaano po karami ang ating alagang manok ay ganoon din po karami ang sakit ng ulo kaya po dapat kung magmamanok ay ‘yon lamang kaya mong maalagaan. Paano kung isang halimbawa ay binigyan ka ng pagkakataong mag-bearing/qualified sa isang multi-million ang premyo  na high-end derby, ibig sabihin ‘di ka makakalaban dahil nadisgrasya ng bagyo ang manok mo na pang- finals, eh sa isang libong ulit ng pag-entry ay ‘di ka nakasisigurado na makaka-perfect score ka sa elimination at semifinals,” ani Doc Marvin.

“Kung nanalo ka naman na basta na lang ang alaga sa manok ay huwag mo nang babaguhin kasi doon ka nanalo,” dagdag pa niya.

Comments are closed.