BIBIGYANG pag-alala ang mga atleta at sports leaders na sumakabilang-buhay noong nakaraang taon sa SMC-PSA (Philippine Sportswriters Association) Annual Awards Night sa Peb. 26 sa Centennial Hall ng Manila Hotel.
Kabilang sina Olympians Ian Lariba, Danny Florencio, at Leopoldo Cantacio, kasama si dating PBA Commissioner at Chair-man Rey Marquez, sa mga aalalahanin ng sportswriting fraternity ng bansa sa special event na handog ng MILO, Cignal TV, at ng Philippine Sports Commission.
Si Lariba ang unang babaeng table tennis player ng bansa na nagkuwalipika sa Olympics, kinatawan ang Filipinas sa 2016 Rio De Janeiro Games, habang si Florencio, ang electrifying, high-flying guard mula sa University of Santo Tomas, ay bahagi ng huling men’s basketball team na sumabak sa Olympiad sa 1972 Games sa Munich.
Si Cantancio, nagmula sa boxing hotbed ng Bago, Negros Occidental, ay isang two-time Olympian na lumahok sa 1984 (Los Angeles) at 1988 (Seoul, South Korea) Summer Games.
Samantala, si Marquez ay ika-4 na commissioner ng kauna-unahang play-for-pay league sa Asya, at nagsilbi ring chairman ng PBA Board bilang kinatawan ng Formula Shell.
Ang iba pang pumanaw noong 2018 subalit siguradong hindi malilimutan ay sina national players Johnny Revilla at Jerome Cueto, PBA players Joey Mente at Ulysses Tanigue, basketball coach Jun Tiongco, college cage player Rutger Acidre, dating boxing association president Roilo Golez, sportswriter at broadcaster Barry Pascua, sports Rolly Manlapaz, volleyball player Maria Josefina Referente-Palad, at young wushu training pool member Rastafari Daraliay.
Aalayan sila ng panalangin at sandaling katahimikan sa okasyon na inorganisa ng pinakamatandang media organization sa bansa, sa pakikipag-partner sa Philippine Basketball Association, Mighty Sports, SM Prime Holdings, Tapa King, Rain or Shine, NorthPort, at Chooks To Go.
Pangungunahan nina Olympic silver medallist Hidilyn Diaz, golfers Yuka Saso, Bianca Pagdanganan, at Lois Kaye Go, at skate-boarder Margielyn Didal ang kabuuang 75 awardees na pararangalan sa annual rite. Ang lima ay co-recipient ng coveted Athlete of the Year award.
Comments are closed.