(Pumapasok sa mga kabahayan) MGA UNGGOY SA MONKEY FARM NAKAWALA

ORIENTAL MINDORO-INIRE­REK­LAMO ngayon ang mga nakawalang unggoy mula sa Monkey Farm sa White Beach, Puerto Galera sa lalawigang ito dahil sa pagpasok ng mga ito sa kabahayan.

Ayon kay citizen Joel de Veyra, nagiging salot na ang nakaalpas na mga unggoy dahil palaging nasa mga open air na dining room at nagkakalkal ng gamit sa paligid ng kanilang bahay maging sa kanilang restobar para maghanap ng pagkain.

Aniya, natatakot na rin sila dahil kung sakaling makahanap ito ng pagkain ay pumasok na sa kanilang bahay.

Ayon pa kay de Veyra, dapat na pagtuunan ito ng pansin na hulihin na dahil baka dumami pa ang mga ito. Sa katunayan, meron ng mga anak ang isang grupo ng mga unggoy na regular na rin pumunta sa kanilang bahay.

Ang mga nasabing grupo ng mga unggoy ay maaring nagmula sa Monkey Farm dahil may malaking hiro sa dibdib.

Ayon pa kay de Veyra, hinuhuli naman ito ng mga tauhan ng Monkey Farm kaya lang ay hinahabol pero kapag nakaakyat na sa puno ang mga unggoy ay hindi na nila maabutan.

Nanawagan na rin sila sa kinauukulan partikular ang nagmamay-ari nito na hulihin na at ikulong na ang mga unggoy dahil sa pangambang makapamerwisyo pa ito ng lubusan. RON LOZANO